Tuesday, December 31, 2013

Bagong Taon, Palakasin ang Makabayang Paniniwala

Sa taong 2014--na sakop ang pagdiriwang ng bansa ng BONI@150--salubungin ho natin ang pagpasok ng Bagong Taon na may paniniwala na tunay tayong mangingibabaw hindi lamang sa di maiiwasang paghagupit na pwersa ng Kalikasan kundi lalo na sa mga masasama.ngunit.mapagkunwaring pwersang nagpapaikot sa atin at sumisipsip sa ating lakas...

Nasa imaheng ito ng aktibistang alagad ng sining na si Federico Boyd Sulapas Dominguez ang lahat na yata ng kahilingan para sa magandang kahihinatnan ng bayan na adhikain ng ating mga bayaning totoo, lalo na ng mga Katipunero/a, mga progresibo at makamasang pwersa sa kasalukuyan, kabilang na siguro ang PKP-MLM (CPP-NDF), maaring sina Pangulong Joseph Estrada, atbp., at ng blog na ito at kadikit na Taga-Ilog News sa Facebook.




Pansinin n'yo po ang lalim at lawak ng ipinahihiwatig ng guhit na ito:

1. Patas ang papel ng babae at lalaki sa ating kasaysayan at pagkabansa dahil may balanse ng gender kahit na mga lalaki naman talaga ang nagumpisa ng Himagsikan noon at ngayon(?--yung CPP-NDF?).

2. Industriyalisasyon kasabay ng maunlad na Agrikultura--siyang dapat lamang.

3. Pinakamahalaga siguro ay Nagapi si Kalbong Agila! Tingnan ninyo ang background sa gitna, nakalugmok at may luha ng dugo ang tantads na imperyalistang kumitil ng napakarami sa atin at ginawang zombie, kundi tahasang traydor, ang marami sa ating kababayan noon at ngayon.

4. Makikita rin sa parang background sa bandang ibaba, iyung alanganing kulay dilaw-luntian ang pagpapakita ng di-magandang kasaysayan ng bayan--kahirapan, kagutuman, masaker, sakunang mukhang dulot ng kalikasan, mga kalbong kagubatan--na mula dito ay bumangon at umunlad/tumaas tayo.

Napakalalim na mga simbolismo, at napakagandang pangyayaring isinalarawan, na magkatotoo sana kung tayong lahat na Pilipino/Tagalog/Taga-Ilog/Maharlika ay magsasama-sama.

Mabuhay ang ating lahi, ang ating Supremo Andres Bonifacio at kanilang mga adhikain sa Katipunan! Basbasan sana tayo ni Bathala ngayong 2014.

____

Pinagkunan ng Imahe:

Federico Boyd Sulapas Dominguez

.

1 comment:

J.V.A said...

Nagustuhan ko ang mga simbolismong ginamit po natin sa obra ng aktibistang pintor na si Federico Boy Dominguez, lalo na ang mga Karpanawagan para sa makabayang industryalisasyon, bagong pulitika, pagpapawalang-bisa sa kontrol ng imperyalismong US, at pagpapatupad ng independyenteng patakarang panlabas. Malalim ang kahulugan ng mga simbolismong ito para sa Pilipinas. Ang pagpapatuloy ng makabayang tradisyon ng rebolusyon ni Bonifacio ang magpapatagumpay sa ating mga adhikain.

Popular Posts