Hanggang ngayon ang opisyal na seal ng bansa ay nagtataglay ng elemento ng 2 kanluraning bansang sumakop sa atin--ang Leon ng Espana at ang Kalbong Agila ng imperyalistang Estados Unidos. Tinanggal daw ito ng Kongreso noong 1998 pero hanggang ngayon ay kataka-takang hindi pa nagkaka-Plebisito para mapatupad ito.
Sa kaso ng UP, tampok sa kasalukuyang seal nito ang--hulaan ninyo--ang KALBONG AGILA na nakabuka ang pakpak at nakatingin sa kanan. Ang epal na Kalbong Agila na ito ay nakahapon sa isang shield na may mga icon na sumisimbolo sa agrikultura, engineering, at medisina at paikot ay nakasulat ang University of the Philippines at 1908, ang taong itinatag ang unibersidad na ito. (Nauna dito ay ginamit ang seal na nagtatampok ng mas maliit na Kalbong Agila, ang shield na sumisimbolo sa Manila, at ang 13 colonies ng Kano na naghimagsik sa Britanya).
May nagpanukala nang palitan ang seal ng kinikilalang Unibersidad ng Pilipinas ngunit dahil ang ating bayan ay wala na yatang katapusan sa pagiging tuta ay nabara ito ng kinakasangkapan ng tantads na Central Intelligence Office (o iba pang instrumento ng imperyalista). Noong panahon ng pagkapangulo ng UP ng magiting na si Salvador P. Lopez ay naglabas siya ng Memorandum Circular na may petsang Nobyembre November 13, 1971 na nagbubukas ng paligsahan para sa pag.disenyo ng bago at makabayang seal ng UP. Sabi ni SP Lopez:
“Just as a new seal was designed for the Philippines when it became independent in 1946, so a new seal for the University should have been designed and adopted at that time…. The eagle appears to be particularly inappropriate as the dominant element in the seal of the university.”
Ang nanalong disenyo (nasa larawan sa kanan) ay mula kay Galo B. Ocampo na direktor noon ng Pambansang Museo (National Museum). Subalit dahil ang ating kawawang bayan ay natarakan ng long-term-acting na hipnotismo tutatsing, ang plano ay binara at isinangtabi. Isipin n'yo na lang ang puwersang pumigil dito--mismong pangulo ng unibersidad at director ng pambansang museo ang pangunahing mga bida pero nasupalpal pa.
Malinaw pa sa mata ng kwago na dapat tanggalin ang elemento Kalbong Agila sa seal ng UP (at sa ating Republika) dahil itong animal na ito ay ang pambansang simbolo ng imperyalista, ng bansang Estados Unidos na nagnakaw ng ating ipinaglabang kalayaan, nanakop sa atin, at kumitil sa daang libong o lampas isang milyon nating mga magigiting na ninuno noong Digmaang Pilipino-Amnerikano (1899-1904). Higit isang siglo na ngang tapos ang digmaang iyon, ang ating pagkatalo, ang pag-water torture at reconcentration, ang paginsulto sa ating lahi, kulay, at kakayanan, atbp. (At napakatagal na ring panahong lumipas ay hindi pa tayo hinihingan ng patawad ng walang urbanidad na bansang iyan). Subalit magpi-pitong dekada na ring tayong "malaya" daw mula sa kuko ni Kalbong Agila. Papaalala ko lang sa mga humaling na humaling sa bansang imperyalista--Hulyo 4, 1946 daw tayo 'pinalaya' ng United States of America.
Kaya nga bakit HANGGANG ngayon ay dala-dala pa ng UP at ng ating "Republika" ang pambansang simbolo ng imperyalistang mananakop? Ano naman ang idadahilan ng mga pro-US (translation ng iba: tutatsing o zombies ba?) diyan sa tabi-tabi? 'For old times' sake retain the seal'--ganoon ba? O sasabihin kaya nila na 'Let it be because we owe it to the U.S. for giving us the system of free public education'? Talaga lang, ha? Kaya pala sa Kalbong Agila ngayon ay hindi iilan ang mga estudyante nagsa-sideline bilang prostitutes o call girls/call boys para lang makapagtapos ng kolehiyo. At dito naman sa mismong UP ngayon ay iilan na lamang ang mga scholars dahil sa privatization direction na pinatupad ng mga dilaw na pangulo matapos patalsikin si Pangulong Joseph Estrada ng mga dilaw sa tulong ng Amerika. Meron ngang socialized tuituion fee scheme (STFAP) subali't sa kasalukuyan ang default nito ngayon ay Bracket A o mga magbabayad ng libo-libo kada semester. Kung default ang millionaire's bracket, ang pinahihiwatig nito ay pinaghandaan nila ay kokonti lang na mga iskolars.
Huwag sabihin na si Pangulong Marcos lang ang may sala dahil kahit walang nangyari ay sa panahon niya nabuksan ito. Hirayain na 66 na taon na mula Hulyo 1946 ay nakatarak pa rin sa mga mag-aaral ng, at nagsipagtapos mula sa, UP ang imaheng Kalbong Agila. Matagal nang pinatalsik at patay si Marcos, at si SP Lopez at si G. Gamo subalit nakatago pa rin sa baul ang pagpalit ng seal. Deferred ng UP Board of Regents ang pagpapatupad ng pagpalit ng UP seal dahil 'pagaaralan ng mas maigi' daw. Hale, anong UP body ang nagaaral dito at anong klaseng non-scientific experiment ang kailangan magtagal ng 31 taon palakad?
Ganito na lamang kaya. Kung hindi kayo maawat sa paghanga sa ibong nakabuka ang pakpak, PALITAN na lang kaya ng PHILIPPINE EAGLE yung BALD EAGLE diyan sa UP seal para kahit papaano ay katutubo ang dating. Maari na kaya? Lol.
__________
MGA BATIS:
Si Fidel Ramos, ang 'Rizal Day Bombings' at ang Kalbong Agila. http://
Quindoza-Santiago, Lilia. Philippine Literature during the American Period.
http://www.ncca.gov.ph/
STAND UP. Road Map to Deeper Education. 4 July 2012. http://standupdiliman.com/
Symbols of U.S. Government: The Bald Eagle. http://bensguide.gpo.gov/
The University Seal. http://www.up.edu.ph/
No comments:
Post a Comment