IKA-30 Nobyembre 2012. Kaarawan na naman (kahapon) ni Supremo Andres Bonifacio y de Castro, ang tunay na Unang Pangulo ng bayang Pilipinas/Tagalog/Maharlika/Taga-Ilog. Sa susunod na na taon na nga ang malaking paggunita ng ika-150 kapanganakan ng pinakamagiting at pinakamatayog na bayaning lumaban para sa ating kalayaan at pagkabansa. Subalit bakit ba tila napakarami ang hindi tunay na nakakakilala sa kanya, o maling-mali ang kaalaman ukol sa kanyang pagkatao at mga ginawa, at ginawa sa kanya noong huling buwan ng kanyang buhay? Sa panahon niya ay may mga nagkalat ng paninirang propaganda ukol sa Supremo subalit hindi ba dapat na naiwasto na ang mga kasinungalingang iyon sa ngayon? Ang nangyari pa nga ay lumawak pa ang mga paninira na tila ba buhay at kumikilos pa ang mga kagaya ni Daniel Tirona ng Magdalo...
Lampas isang siglo na mula nang kanyang itatag, sampu ng iba pang mga dakilang nagtaguyod, ang samahang naghanda ng paglaban para sa kalayaan at bumuo ng Pamahalaang Himagsikan, ang Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan nang manga Anak nang Bayan o KKK. Matagal nang nalimbag ang mga sulatin ng tatlo sa mga patas at mas mapapagkatiwalaang mga "primary sources" ukol sa Katipunan at sa Supremo--mula kay Hen. Santiago Alvarez, at Gat Apolinario Mabini, at sa limitadong antas, kay Hen. Artemio Ricarte. Nailabas na rin ang mga sulat ni Bonifacio kay Gat Emilio Jacinto na nagbubunyag ng mga sigalot sa pagitan ng sangguniang Magdiwang at Magdalo sa Kabite. Subalit bakit namamayagpag ang mga maling kaalaman ukol sa Supremo sa ating sistemang pangedukasyon at mainstream na media.
Ang mga maling kwentong ito ukol kay Supremo ay nakahalo sa mga iba pang kaalaman ukol sa kanya at madalas pa nga ay mas nangingibabaw dahil mukhang hawak ng mga kontra-Bonifacio ang mga ahensyang pangkaalaman--ang edukasyon at ang media. Ayon sa historyador na si Prop. Michael Charlestone Chua, "mga pwersang panlipunan na ayaw maituro ang mga aral nina Bonifacio at ng Katipunan." Pinakamainam ngang paraan para mabara ang pagpapahalaga sa Katipunan ay siraan ang pangunahing nagtaguyod at nagpalakad nito. Anu-ano ba itong tinutukoy kong pangit na propaganda ukol sa Supremo? Narito ang mga pangunahing maling kaalaman na masasabing nakakapanggigil dahil sa sobrang pagkataliwas o paninira nito sa pagkatao at naging buhay ni Bonifacio.
I. Wala raw pinag-aralan o mahina daw ang ulo ni Supremo.
Mukhang walang sariling mga bait ang naniniwala dito dahil may mangmang bang 1.) nakapagtatag at nakapagpalakas ng tagong samahan sa ilalim ng mapanikil na kolonyal na pamahalaan, at 2.) nakapagbasa ng mga librong nasa ibang wika (Les Miserables at Biography of American Presidents)? Bukod pa sa kanyang magagandang makabayang sulatin tulad ng Pag-Ibig Sa Tinubuang Lupa, Dekalogo, Dapat Mabatid ng Mga Tagalog, atbp. Talas ng isip sa pagplaplano at mga taktika upang ma-utakan o ma "outwit" ang kalaban ang ginamit ni Bonifacio. Sila ngang mga nagsasabi nito baka sa barangay lang nila magtatag ng panghimagsikang samahan ay huli na agad sila.:)
Kailangang banggitin na kung ihambing si Bonifacio kay Hen. Emilio Aguinaldo y Famy ay akala mo 'no read, no write' ang una at nakatapos ang huli. Ang katotohanan ay medyo nakakagulat sa mga nauto ng pwersang dilaw sa kasaysayan at media: self-educated ang Supremo at nakatuntong lamang sa high school itong si Aguinaldo.
Mas marunong pa nga pagdating sa mataas na kaalamang pangpamahalaan itong si Bonifacio kaysa kay Aguinaldo. Kitang-kita ang kamangmangan ni Aguinaldo pagdating sa usapang pamahalaan noong "Republika ng Biak na Bato" na itinatag nito bago tinalikuran ang Himagsikan at tumakbo sa Hong Kong (hanggang makipagusap sa mga Amerikano). Ang Saligang Batas ng Biak na Bato ay halos buong-buong kinuha sa Konstitusyon ng Cuba--99.9% plagiarized, ika nga. Nakakahiya. Ihambing ito sa ginawang pagtutol ni Bonifacio sa Saligang Batas na inihain ni Hen. Edilberto Evangelista sa kanya noong bandang Disyembre 1896. Batay sa sinulat ni Hen. Alvarez, tinanggihan ni Bonifacio na gamitin ang konstitusyon para sa pamahalaang Katipunan dahil nakita niyang malapit ito sa gawa ng Kastilang si Antonio Maura.
Sabi nga ni Mabini, si Bonifacio ay isang "sagacious" na pinuno at "had no less schooling than any of those elected in the aforesaid assembly." Tinutumbok dito ni Mabini ang kontrobersyal na Tejeros Convention kung saan nakaikot ang hindi lang isang malaking kasinungalingan ukol kay Bonifacio.
II. "Natalo" daw ni Aguinaldo si Bonifacio sa Kumbensyong Tejeros.
Maaring natalo sa bilangan ngunit hindi sa tunay na halalan ang Supremo dahil ang Tejeros Convention ang pinakaunang madayang halalan sa kasaysayan ng ating pagkabansa. Ang unang HOCUS-PCOS, unang 'Hello Garci' kumbaga. Nakasulat kina Ricarte, Alvarez, at sa mga sulat ni Bonifacio ang pandarayang naganap sa halalan.
Bago pa man simulan ang halalan sa Tejeros ay nagsumbong kay Bonifacio si Diego Mojica, isang opisyal ng Katipunan, Magdiwang, ukol sa may mga laman nang mga balota, ayon sa memoirs ni Alvarez. Pre-filled ballots, ika nga. Matapos ang halalan ay agad na gumawa ng deklarasyon si Ricarte na nagkaroon ng dayaan at kahit nahalal siya ay ayaw sana niyang magkaroon ng bahagi sa "pamahalaang" iyon. Sinulat din ni Alvarez na patagong sumumpa sa tungkulin sina Aguinaldo, at sa harap pa ng isang Kastila, o turuan-ng-Kastila na pari. Nakasulat din mismo ang pandarayang ito sa mga sulat ni Bonifacio kay Jacinto.
III. Kaya daw nag-walk out si Bonifacio sa halalan sa Tejeros ay dahil hindi nito matanggap ang "pagkatalo" kay Aguinaldo at ito ay lumayo na.
Napakalaking kasinungalingan nito sa dalawang kadahilanan. Una, nagalit si Bonifacio dahil ayaw kilalanin ni Tirona ang kanyang pagkapanalo bilang Kalihim na Pang-loob (Interior Secretary) samantalang iginiit niya bago umpisahan ang halalan na dapat igalang ng lahat ang anumang kakalabasan nito, na sinanggayunan naman ng mga delegado. Ininsulto siya ni Tirona na kesyo hindi bagay maging Kalihim dahil hindi nakatapos o hindi ito abogado (Ngek! Ano naman kaya yung high-school level na si "Pangulong" Aguinaldo?). Ito ay malinaw na nagpapakita ng kawalang paggalang nila Tirona sa boses ng tao--kung ipapalagay na hindi nagkaroon ng dayaan.
Karaniwang punto ng maling propaganda sa panahong kasalukuyan ay kesyo ang pagkagalit ni Bonifacio ay nagpapakita ng pagkainsulto niya, ng kanyang pagkapikon. Subalit kahit naman kanino mangyari ang pangit na taktikang iyon ay maiinsulto. Kailangang isa-alang-alang ang pagkatao nitong si Tirona. May nauna nang kasalanan itong si Tirona na itinuturong nagpakalat ng mga mapanirang poison letters laban kay Supremo noong huling bahagi ng Disyembre 1896, ayon sa mga sinulat ni Alvarez. Dagdag pa, si Tirona ay isang kalahating traydor na sumuko sa mga Kastila dalawang linggo lang makalipas ang Tejeros.
Pangalawa, ang totoo ay ilang pag-uusap at pakikipagtulungan pa ni Bonifacio kay Aguinaldo ang nangyari matapos ang Tejeros. Noong unang linggo ng Abril ay tinanggap pa nga ni Bonifacio sa kanyang opisina sa Naic itong sina Emilio at Baldomero Aguinaldo, ayon pa rin kay Alvarez. Binendisyunan pa nga kamo ni Bonifacio ang pagpapahiram ng Magdiwang, kung saan malapit si Bonifacio, ng mga armas nang hilingin ng Magdalo upang gamitin daw sa pakikipaglaban sa Kastila.
IV. Talunang pinunong militar daw itong si Bonifacio samantalang magaling daw si Aguinaldo.
Hindi totoong walang naipanalo si Bonifacio dahil ang mga naunang labanan ng mga Katipunero ay naipanalo nito. Ngayon, kung bakit hindi naging matagumpay ang Pangkalahatang Pag-aalsa noong Agosto 29/30 ng 1896 ay maisisisi sa ilang mga kadahilanan kabilang ang hindi pagsulpot ng grupo ni Aguinaldo, partikular ang pinamumunuan ni Fernandez. Kung baga, nasira ang plano.
Kasinungalingan ding basta-basta sabihin na mas magaling si Aguinaldo kay Bonifacio bilang heneral. Bakit kanyo? 1.) Manila, na sentro ng kapangyarihang kolonyal, ang hinawakan ni Bonifacio, na ang ibig sabihin ay mas mahigpit ang depensa dito at mas malakas ang pwersa ng kalaban dito. Mahirap talagang ipanalo. Samantala, 2.) si Aguinaldo nga ay nanalo sa labanan sa Imus noong Setyembre 1896 subalit nang ibinaling na ng Kastila sa Kabite ang pwersa nito ay kumaripas ng takbo itong si Aguinaldo papunta sa pagsuko/pakikipagkasundo sa Biak-na-Bato sa huling bahagi ng 1897.
Idagdag din na 3.) maliit na bahagi ng Kabite ang hawak ng Magdalo ni Aguinaldo kung ihahambing sa sakop ng Magdiwang nila Alvarez. Sa unang bagsak ng pagbaling ng Kastila sa Kabite noong Pebrero 1897 ay mas maraming mga bayan ang nalagas sa teritoryo ng Magdalo na umatras pa nga patungo, at nagkanlong, sa mga nasasakupan ng Magdiwang. Sa katunayan, sa panahong isinailalim sa kanggarong korte militar si Bonifacio ay tumatakbo noon ang Magdalo mula sa pagsalakay ng Kastila.
Ang totoo ay 4.) may taal na katalinuhang pulitiko-militar ang Supremo, ayon sa historyador at antropologong si Dok Zeus Salazar. May pangkalahatang plano ng Himagsikan si Bonifacio na binubuo ng apat na kaisipan. Ito ay ang a) mabilisang paghihimagsik na pupugot sa ulo/sentro ng banyagang kapangyarihan; b) pagsasama-sama ng bayan upang mapatupad ang pagsakote sa Maynila; c) sakaling mabigo ang paghihimagsik, ang pag-atras ng mga rebolusyonaryo sa mga 'real' o ilihan, o mga kampong "komunidad na may tanggulan malapit sa bayan"; d) sa maramihan, ang mga ilihan ay pabaitang na lunsaran ng ala-gerilya na pag-atake mula sa kanayuhan patungo sa militar na ulo ng Kastila na epektibong ginamit ng maraming heneral at mismong sumalo kay Aguinaldo sa Real ng Biyak na Bato.
V. Ang Katipunan daw ay samahan lamang, si Aguinaldo raw ang unang Pangulo ng bansa (at hindi daw si Bonifacio).
Ito marahil ang pinakamalaking kalokohang kasinungalingan patungkol sa naging pagkatao, nagawa at tagumpay ni Bonifacio. Ang totoo: bago inilunsad ang Pangkahalatang Pag-aaklas laban sa Kastila ay ginawang Panghimagsikang Pamahalaan ang Katipunan, kabilang ang pagtatatag ng hukbong sandatahan nito, at paghalal ng mga opisyal sa pamumuno ni Pangulong Bonifacio. May watawat pa nga at pambansang awit na inihanda, ang Marangal na Dalit ng Katagalugan na kinomisyon ng Supremo kay Julio Nakpil y Garcia.
Nakakapagtakang hindi kinikilala sa opisyal na kasaysayan (na tinuturo sa mga paaralan at binabangit ng media) ang halalan sa Katipunan na nagluklok kay Bonifacio bilang pinuno ng bansang naghihimagsik. Ito ay ibinalita sa Kastila-Amerikanong pahayagang "La Ilustración Española y Americana" (1897, Vol. I) kung saan pinakita pa ang larawan ni Bonifacio na may caption na "'Presidente' de la Republica Tagala." Sinulat din ito sa kaparehong taon ng Kastilang historyador na si Jose M. del Castillo. Nilagay nito sa kanyang "El Katipunan" or "El Filibusterismo en Filipinas" ang kinalabasan ng halalan sa Katipunan kung saan napili si Bonifacio bilang Supremo/Pangulo, si Jacinto bilang State Secretary, at iba pa.
Kung tutuusin ay dapat na tingnan bilang malakas na pagbakas sa pagka-Pangulo ni Bonifacio at pagiging pamahalaan (na pang-Himagsik) ng Katipunan ang dalawang Kastilang batis na ito. Kung titingnan mula sa teoryang 'national perspective,' dapat si Aguinaldo na nakipagkasundo sa kanilang pamahalaang (Kastila) ang kilingan nila at hindi si Bonifacio na siyang puno't dulo ng Rebolusyon. Kung bakit itinatatwa ito ng mainstream na kasaysayan ng Pilipinas ay lubhang nakakapagtaka, taliwas sa lohiko.
Sabihin pa, may pagpapatibay din ito mula sa mga lokal na batis. Isinulat ni Alvarez na noong pinipilit nila Baldomero Aguinaldo na magtatag ng (bagong) pang-himagsikan pamahalaan ay sinagot nina Bonifacio na hindi ito kailangan dahil pamahalaan na ang Katipunan. Ipinahiwatig din ni Mabini na ang Katipunan ay pamahalaan sa ilalim ni Bonifacio nang sinulat niya sa kanyang memoirs na kriminal na insubordinasyon ni Aguinaldo ang pag-utos na "asasinasyon" (pagpatay) sa Supremo.
VI. May karapatan daw hatulan ng kampo ni Aguinaldo si Bonifacio na kanila daw isinailalim sa 'hustisya.'
Isang nakakapangilabot na pares ng kasinungalinan. Mula umpisa ay pagligpit na sa Supremo ang pakay ng kampo ni Aguinaldo. Isinulat ni Alvarez na 'dead or alive,' patay o buhay, ang utos na pagdukot kay Bonifacio. Ang mga inutusan ni Aguinaldo--sina Kol. Agapito Bonzon o alyas Intong, Felipe Topacio, at Jose Paua o Instik Pawa (may kasalukuyang historyador ang nagsasabing kasama si Lazaro Makapagal)--ay malugod pa nga ilang tinanggap (bilang mga kapatid sa Katipunan) ni Bonifacio ngunit patraydor na binaril at sinaksak nila ang Supremo sa tinuluyan nito sa Indang, Kabite.
Patraydor na pagdaklot ang ginawang panghuli sa Supremo dahil walang legal na kapangyarihan ang "pamahalaan" kuno ni Aguinaldo. Bakit ko nasabi ito? 1.) Walang bisa ang halalang Tejeros dahil una (a), pinawalang bisa ito ni Bonifacio na presiding officer ng kumbensyon. Pangalawa (b), nagkaroon ng dayaan sa Tejeros batay sa ulat ni Mojica at sa deklarasyon ni Ricarte na nagsabing nagkaroon ng "dirty or shady practices in the manner" ng halalan at napilitan lamang siyang sumumpa sa nakuhang posisyon na Pinuno ng Himagsikang Hukbong Sandatahan dahil tinakot siyang papatayin, ayon na rin sa kanyang deklarasyon. Pangatlo (c), kung kinikilala ng karamihan ang pagka-"panalo" ni Aguinaldo, sana ay hindi ito patagong nanumpa bilang "Pangulo." Pang-apat (d), naglabas din si Bonifacio at apatnapung iba pang Katipunero ng Acta de Tejeros na nagpapawalang bisa sa marumi at ma-anomalyang Kumbensyong Tejeros isang araw matapos ang halalang ito. Maaring may ilang pumirma na bumaligtad at kumampi kay Aguinaldo, katulad ni Hen. Pio del Pilar, subalit hindi nawala ang bisa nito dahil mas marami ang nanatili at nagkapirmahan nga.
2.) Sa yugto ng panghuli at pagkulong, at paglilitis ay walang hustisyang natamo sina Bonifacio. Pagmaltrato ang natamo si Supremo at kapatid na lalaki nitong nabuhay (noong dinaklot sila) na si Procopio. Pinagbawalan ang pagbisita sa makipot at madilim na bartolina, hindi nilapatan ng lunas ang mga sugat, at kung pinakain man ay "pagkaing hindi na dapat sabihin" ang binigay, ayon kay Alvarez. Ma-anomalya rin at patago ang ginawang 'paglilitis' kay Bonifacio. Kangaroo court martial, ika nga. Tumataginting na lutong makaw ang makikita ng kahit sinong may wisyo na makakabasa ng tala ng paglilitis, kahit yung 'opisyal' na bersyon pa at kahit hindi alam ang 'dead or alive' na utos ni Aguinaldo.
Meron ba naman patas na hukom na ang a) presiding officer (Mariano Noriel) ay pinangunahan ang kalalabasan at tinawag na ang intensyon ni Bonifacio ay "evil and treacherous," at ang b) abogadong itinakda nila sa Supremo, defense attorney (Placido Martinez), ay hinusgahan rin ang nasasakdal at sinabi ring "evil" daw ang binalak nito? Idagdag pa na ang auditor ng hukom militar ay si Baldomero Aguinaldo na pinsan ng biktima raw ng planong pagpatay ng Supremo.
VII. Duwag daw sa harap ng kamatayan ang Supremo.
Hindi iilan ang kumakagat o medyo kumakagat sa malaking kalokohang ito kahit na alam ng madla ang katapangan ng bayaning naglakas ng loob na pangunahan ang humawak ng balisong at baril upang wakasan ang pagkaalipin ng bayan at ilunsad ang bagong umaga nito bilang isang bansa. Sukdulang taliwas sa pagiging "El Marat Filipino," ika nga ng El Renacimiento--matapang na manghihimagsik, mapusok na patriotiko--ang pagiging duwag daw ng Supremo nang papaslangin na siya. Talaga nga yatang natatalo rin ang wisyo ng paulit-ulit na pagbigkas o paglimbag ng kasinungalingan.
Walang kredibilidad kung tutuusin ang pinagmulan ng mga pahayag na ito--ang berdugong si Lazaro Makapagal. Walang kredibilidad ang kanyang mga pahayag ukol sa mga huling sandali ng Supremo hindi lang dahil siya ang pinuno ng berdugong inatasan ng kampo ni Aguinaldo kundi dahil 1.) paiba-iba ang pahayag niya sa mga pangyayari; 2.) wala sa mga kapwa berdugo niya ang nagpatotoo sa mga kwento nito; at 3.) taliwas ang ilang mga detalye niya doon mismo sa tala ng kanilang kampo ukol sa paglilitis sa Supremo.
Nagmakaawa raw, umiyak, o sinubukang tumakbo mula sa kanyang kapalaran si Bonifacio nang papatayin na siya. Tatlong magkakasalungat na pahayag na ito ang pinakawalan ni Makapagal ng mga huling taon ng dekada 1920 sa mga naging panayam kay Alvarez (inilabas ng 1927), sa Philippine Free Press (1928), at kay Jose P. Santos (1929). Halimbawa, sa pangalawang bersyon nito ay sinabi niyang nang dinala nila sa bundok ang Supremo ay may isang sugat lamang ito, sa braso--isang litaw na kasinungalingan dahil kahit sa opisyal na tala ay nakalagay na may sugat sa lalamunan si Bonifacio dala ng pagkakasaksak dito noong dinaklot ito.
Kung paano nangyari na ang mga imposibleng pahayag na ito ay binibigyan diin sa mga aklat pangkasaysayan o sa media ay isang malaking katanungan. Ang mas kapani-paniwala siguro ay ang isang kwentong magsasabing sinubukan silang agawan ng armas at patayin ng Supremo dahil sa kanilang paglapastangan sa Katipunan at tunay na katarungan.
Subalit ang katawan ni berdugo Makapagal ay walang sugat, walang tanda ng paglaban ng Supremo. Masasagot ng pagwawasto ng isa pang mito ukol kasaysayan ni Bonifacio ang puntong ito.
VIII. Pinatay daw sa "execution" gamit ang pagbaril si Supremo.
Lubos na nakakapagtaka na ito ang kwentong kumalat at pinalaganap sa loob ng maraming dekada, malamang kasabay ng mga kalokohang pahayag ni Makapagal, samantalang si Mabini, na naging malapit kay Aguinaldo, ay ASASINASYON ang tawag sa ginawa ng kampo ni Aguinaldo kay Bonifacio. Pag sinabing execution, ito ay dapat bukas sa madla dahil bunsod ito ng paglilitis, ng proseso ng bukas na paghahanap ng katarungan. Ang ginawa ay Bonifacio ay hindi execution dahil patago ito, mula pa sa paglilitis kung kailan ipinagbawal ang anumang pagbisita sa kanya at Procopio, hanggang sa dalhin sila sa bundok ng Buntis sa Kabite. Inilayo pa, sinadyang pinaslang ang magkapatid na Bonifacio kung saan walang makakasaksi. Kahit idahilang itinago nila ito mula sa Kastila, gaano ba kahirap magtawag ng magiging tagapanood at madaliang ipatupad ang hatol--sa mismong kuta pa nila para maiwasang mahuli ng mga Kastila?
Hindi execution kundi asasinasyon dahil patraydor ang pagpaslang. Bakit kaya? Dahil takot na maaring magdulot ng pagkakawatak-watak ng mga rebolusyonaryo ang tagpong pagpatay sa Supremo? Kung talagang nanalo sa Tejeros si Aguinaldo at malinis ang paglilitis at may kasalanan ang Supremo, walang dapat kinatakutan. Mayroon pa kayang itinago?
Walang duda na hindi execution kundi asasinasyon. At ang mas nakakahindik pang kasinungalinang na dapat itama ay kung anong armas ang ginamit ng mga berdugo.
"A putol a paa, di dadapa// a putol a tenga, di bibingi..." o malapit dito na naglalaman ng mga linyang nagbabanggit ng mga putol na bahagi ng katawan ng Supremo. Kakatwang kwento ukol kay Bonifacio dahil hindi polisiya ng Katipunero ang sadyang putol-putulin ang katawan ng kalaban; sumikat ilang dekada na ang nakakaraan at may bersyon pa nga nitong matatagpuan mismo sa Maragondon court house. Noong 1918 ay inilabas ang forensics na ulat ng mga doktor mula sa Unibersidad ng Pilipinas at nila Hen. Guillermo Masangkay (isa sa mga opisyal ng Katipunang pamahalaan) at Epifanio de los Santos ukol sa natagpuang buto na dineklara nila na kay Bonifacio batay sa best available science ng panahon na iyon. Tumutugma din ang katangian ng mga butong nahukay sa family history ng mga Bonifacio, kabilang ang kakaibang gawi ng Supremo: ang mga ngipin ay "maliit at makinis" na akala mo kinikil--na tugma sa kagawian ni Bonifacio na paghasa sa kanyang mga ngipin sa baba katapat ng incisors, ayon na rin sa pahayag ng kapatid nitong si Esperidiona. Ang nagbunsod kay Masangkay na hanapin ang Supremo ay ang sumbong ng ilan sa mga dating tauhan ni Makapagal na pinatay daw sa pagtataga ang Supremo na nakasakay sa duyan at mahina na. Ang natagpuan nilang buto sa Kabite ay tugma rin sa sumbong sa kanya batay sa tama ng bayoneta at bolo at pagkakaroon ng biyak sa bungo. Huling dekada ng siglo 1900s ay nagsaliksik gamit ang oral history approach si Prop. Daniel Aragon mula sa Unibersidad ng Pilipinas ukol sa putol-putol na kwento. Lumalabas sa kanyang pag-aaral na kwentong bayan--batay sa saling-kwento ng mga Kabitenyong nakakita sa berdugo team ni Makapagal o nakasilip sa aktwal na pagpaslang sa magkapatid na--pinahirapan bago pinatay at maaring pinutulan ng ilang bahagi ng katawan si Supremo at inilakbay upang ilipat (malamang nakatali ang paa't kamay sa kawayan mula Bundok Buntis papuntang Nagpatong).
Tumutugma o may mga mahahalagang pagkakatugma ang kwentong putol-putol/pananaga sa sumbong kay Hen. Masangkay ng tauhan ni berdugo Makapagal, sa resulta ng 1918 forensics, at sa oral history mula sa Maragondon ukol sa patagang pagpaslang kay Bonifacio. Samantala, lumalabas na malaking kasinungalingan ang self-serving na mga paiba-iba at nagkokontrahang mga pahayag ni Makapagal, na taliwas rin sa dokumentadong katapangan ni Bonifacio at mismo sa ilang detalye ng opisyal na tala ng kanila court martial.
Hindi sa pagbaril kundi sa PAGTAGA winakasan ng mga berdugo nila Aguinaldo ang buhay ng magkapatid na bayaning Bonifacio. Pinahirapan ang hindi na makalaban-laban na nanghihina nang Supremo (dahil sa hindi nilunasang pagkaka-baril at pananaksak dito sa Indang), pinagtataga hanggang maputol malamang ang ilang bahagi ng katawan, at pinagtakpan ang krimen sa pamamagitan ng paglipat sa ibang bahagi ng kabundukan.
Mas Patas at May Kredibilidad na mga Batis
Ang karamihan ng nalahad dito ay batay kina Hen. Alvarez, Hen. Ricarte, at Gat Mabini. Sina Mabini, Hen. Alvarez, at Hen. Ricarte ay mga pinagkaatiwalaan at dinadakilang mga personalidad na nakadaupang palad mismo ni Pangulong Bonifacio. Kung sa patas ay patas ang tatlong ito dahil sa mga kapwa malalapit din kay Hen. Aguinaldo ang mga ito. Si Mabini, siyempre pa, ay naging Kalihim at tagapayo ni Aguinaldo. Si Alvarez ay naging kaibigan ng kontrobersyal na pinuno at kapwa Kabiteno pa nito. Si Ricarte naman ay tanyag sa prinsipyo nito laban sa imperyalistang Amerikano at sa pagdakila nito kina Rizal at Bonifacio habang naka-exile sa bansang Hapon kahit na may nagsasabing tuluyan daw itong kumampi sa kampo ni Aguinaldo at palihim pang nagpayo na tuluyang iligpit si Bonifacio noong 1897.
Ang tungkol sa mga pahayag ni berdugo Lazaro Makapagal, kapatid na babae ni Supremo, at paghukay sa mga buto ni Bonifacio ay mga nalathala sa pahayagan na kinalap ng mga mananaliksik ng Pambansang Komisyon (Suriang) Pangkasaysayan sa loob ng mahabang panahon (at inilabas na may kinikilingang opinyon ni G. Ambeth Ocampo, naging pinuno nito sa panahon ng administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo). Ang tungkol sa oral history naman ng mga taga-Maragondon, lalawigan ng Kabite ay mula sa pag-aaral ni Prop. Daniel Aragon, isang Kabitenyo. Sa madaling salita, ang mga primary sources ay mga patas at masasabi pa ngang kataka-takang hindi pumapanig sa kampo ni Aguinaldo. Ang mga lathain namang naglalaman ng mga pahayag mula 1920s at ang Kastilang website ay naglimbag lamang ng kanilang mga panayam o sipi (ng imahe ni Bonifacio mula sa lathaing "La Ilustración Española y Americana"). May iba ring pinagkunan, tulad ng mga libro o libro ng historyador na sina Milagros Guerrero at Dok Zeus Salazar, sinasabing 'Ama ng Pantayong Pananaw.'
Pagwawakas
Kung ano raw ang ating kainin, iyon tayo. Kung ano ang pinapakain sa atin o kinakain ng ating mga isip, iyon ang ating kamalayan. Sa terminolohiya ng information systems, GIGO--garbage in, garbage out. Kung tahi-tahi at kathang-propaganda ang pagkakakilala sa mga bayani at kontra-bayani, lalabas na mito ang ating kamalayang pagkabansa.
Masidhi, malakas, at maimpluwensya ang mga nagpapakalat ng kasinungalingang paninira at pagmemenos sa Pangulong Bonifacio at sa Katipunan. Marami sila, hindi iilan, hindi lamang si Hen. Aguinaldo na hindi malayong napaikot din ng mas mapanggamit/mapanlinlang dito dahil wala pa itong edad 30 nang mga panahong inagawan niya ng kapangyarihan at pinapaslang ang Supremo. May mga pwersang panglipunan nga na ayaw maituro ang mga wasto o moral na mga aral ng Katipunan. Dagdagan ko pa na may mga pwersa sa ating lipunan na ayaw maparusahan sa mga kasalanan nila sa Supremo, sa Katipunan at mga turo at prinsipyo nito, at sa bayan.
Kung hindi tayo mag-iingat sa mga pinapayagaan nating pumasok natin sa kaisipan, magiging mga manikang pinapaikot lang tayo ng mga pwersang gahaman, makasarili at kalaban ng katotohanan. Hindi tayo makakarating sa kalagayang maayos kung saan buo ang ating kamalayang Pilipino at namamayani ang kapatiran, katarungan, kalayaang tunay, at kaunlarang nag-iingat sa kalikasan. Kung maiwawasto ang pagkakasulat sa kasaysayan ukol kay Supremo at Katipunan na pangunahing kumilos para sa ating kalayaan at pagkabansa, malamang ay maisunod na ang iba pa at maiwasto na rin sa wakas ang kasalukuyan nating kalahating-mitong historiograpiya. Sa ganoong paraan ay baka mapagkaisa na ang ating lahi sa kabansaang hindi tuta, bukas ngunit katutubo at makakalikasan, at makatarungan sa lahat.
HUWAG Hong Kalimutan, Pagtuntong ng Taon 2013 isang buwan mula ngayon ay BONIFACIO 150 NA! Magkita-kita ho tayong muli. :)
*********
Mainam din hong basahin ang mga piling iba pa sa Bonifacio Series:
The HACKING of the SUPREMO, Unang Bahagi (Bonifacio Series VII). http://forthephilippines.blogspot.com/2012/05/hacking-of-supremo-unang-bahagi.html
Andres Bonifacio, Unang Pangulo ng 'Pilipinas': Setting the Historiographic Record Straight (Bonifacio Series VI). http://forthephilippines.blogspot.com/2011/12/andres-bonifacio-unang-pangulo-ng.html
Tragedy of the Katipunan (Bonifacio Series IV). http://forthephilippines.blogspot.com/2011/05/tragedy-of-katipunan-assassination-cum.html
Gat Andres Bonifacio: The Anti-Colonial National Hero of the Philippines (Bonifacio Series I). http://forthephilippines.blogspot.com/2008/11/andres-anti-colonial-national-hero-of.html
***********
Mga Batis:
Alvarez, Santiago. The Katipunan and the Revolution: Memoirs of a General: with the original Tagalog text. Paula Carolina S. Malay. Trans. Ateneo de Manila University Press, 1992. http://books.google.com/books/about/The_katipunan_and_the_revolution.html?id=F3q-krDckHwC
Artemio Ricarte Declaration date 24 March 1897. Filipiniana.net. http://www.filipiniana.net/publication/artemio-ricarte-declaration-dated-24-march-1897/12791881635983
Chua, Michael Charlestone. XIAOTIME, 29 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Ang Supremo Bilang Pinunong Militar. http://xiaochua.wordpress.com/2012/11/29/xiaotime-29-november-2012-undress-bonifacio-ang-supremo-bilang-pinunong-militar/
Guerrero, Milagros, Emmanuel Encarnacion, and Ramon Villegas. Andres Bonifacio and the 1896 Revolution. In Sulyap Kultura. National Commission for Culture and the Arts, 1996. NCCA Site. 16 June 2003. http://www.ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/articles-on-c-n-a/article.php?i=5&subcat=13
La Revolución filipina (1896-1898). http://www.museo-oriental.es/ver_didactica.asp?clave=138&loc=0
Ocampo, Ambeth. Bonifacio’s teeth, Rizal’s breath. Inquirer.net. March 9, 2012. http://opinion.inquirer.net/24571/bonifacio’s-teeth-rizal’s-breath
Ocampo, Ambeth. The execution of Bonifacio. Inquirer.net. May 15, 2009. http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/columns/view/20090515-205102/The-execution-of-Bonifacio
Ocampo, Ambeth. Urban Legends. Inquirer.net. March 13, 2012. http://opinion.inquirer.net/24903/urban-legends
Retana, Wenceslao. "El Marat Filipino," El Renacimiento, 26 de Marzo 1908
Salazar, Zeus A. Kasaysayan ng Kapilipinuhan: Bagong Balangkas. Lungsod ng Quezon. 2004 Disyembre. http://www.google.com.ph/url?
________________. Si Bonifacio bilang Pinunong Militar. http://blog-by-taga-ilog-news.blogspot.com/2012/05/si-bonifacio-bilang-pinunong-militar.html
Subscribe to:
Posts (Atom)
Popular Posts
-
Pakibasa rin ho ang: The Hacking of the Supremo, Unang Bahagi (Bonifacio Series VII) Satirical text version: 1 . ANDRES C. ...
-
Philippine "President" Noynoy COJUANGCO Aquino a.k.a. y Hocus Pcos, great grandnephew of Ysidra Cojuangco, ON the first an...
-
PAG natapos na ang pamamayagpag ng ilehitimong Dilaw sa paraang masidhi, maitatama na ang kasaysayan ng bayang Taga-Ilog/Pilipinas... At i...
-
Recommended: Andres Bonifacio's Tagalog Nation & Predictions of Global Warming (Bonifacio Series II) The Devaluation of a Hero ...
-
Recommended: Gat Andres Bonifacio: The Anti-Colonial National Hero of the Philippines (Bonifacio Series I) Andres Bonifacio's Tag...
-
by Jesusa Bernardo Reposted from Blog by Taga-Ilog EMILIO Jacinto y Dizon was dubbed the "soul and brains (intelligence)" of...
-
(Updated January 7, 2010) MELCHORA Aquino. Ang bayaning tinatawag na "Ina ng Katipunan." Ipinanganak noong 1812 sa ganitong ...
-
NGAYONG araw, 113 taon na ang nakakalipas, sa Mahayhay, Laguna, noong panahon ng Digmaang-Pilipino Amerikano (1899-1914), pumanaw ang is...
-
NGAYONG araw, ika-115 taon na ang nakakaraan, ang unang 'Hello Garci,' unang Hocus Pcos, at unang EDSA 2 Power Grab sa ating kawaw...