Monday, April 22, 2013

Ang Nasirang Pangako ng UP at ang Pagpapakamatay ni Kristel


Kristel Pilar Mariz P. Tejada

Nausyaming Iskolar ng Bayan, UP Manila.
Nagpakamatay, biktima ng direksyong privatization ng edukasyon sa UP.

______

Mayo 10, 2012 - nag-enroll sa unang taon sa kolehiyo si Kristel.
- Nilagay siya sa Bracket D ng Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP)--ibig sabihin, kailangang magbayad ng P300 bawat unit.
- P9,172.50 ang kaubuang tuition, P2,795.50 lamang ang naibayad sabay kuha ng P6,377.00 na utang sa Office of Student Affairs.

Nobyembre 2012, naglabas ng kautusan ang UP Manila na nagbabawal na papasukin sa klase ang mga estudyanteng hindi makabayad sa oras.

Disyembre 19, 2012 pa lang nakabayad ng buo ang mga Tejada sa utang nila ng Unang Semestre. Ikalawang semestre ng S.Y. 2012-2013, unang taon pa lamang niya sa kolehiyo, napabilang si Kristel sa hindi makapasok dahil hindi makabayad si tatay na nagmamaneho ng taxi at nanay na taumbahay.

Marso 13, 2013, napilitang mag-Leave of Absence si Kristel. Sinurrender niya, ayon sa patakaran, ang kanyang UP I.D., Student # 2012-21614... Sinasabing malamang ikinadurog ito ng kanyang puso.

Marso 15, 2013, bandang alas tres ng umaga, natagpuang walang malay si Kristel. Nagsulat muna sa kanyang FB account na parang isang publikong paalam--na sana daw ay 'ma-miss siya'--bago uminom ng silver cleaner. Sinugod sa ospital pero deklaradong patay na nang dumating.

______


Ang nangyari kay Kristel, na dapat ay Iskolar ng Bayan dahil estudyante siya ng Unibersidad ng Pilipinas, pangunahing state university sa bansa, ay sumasalamin sa lalong pumapangit na estado ng edukasyon--ang komersyalisasyon ng mataas na edukasyon sa ilalim ng mga Dilaw. 


Bakit ang Dilaw ang Epal

Umpisa ng STFAP, Cory

Panahon ni Cory Aquino nagumpisa ang STFAP na kaakibat sa pagtrato sa UP bilang kalahating pribadong unibersidad. Itinaas ang tuition sa P300 kada unit para sa matataas ang kategorisasyon (Brackets 1-9 pa noon). Mabulaklak ang mga pambobolang ipinalabas noon ng UP upang palabasing kailangan ang STFAP. Kesyo raw para masuportahan ng mga mayayaman ang mga mahihirap na mag-aaral. Kasabay ay ang pagtaas ng base tuition sa P300 kada unit.

Matapos ang pito o walong taon, lumitaw na sa isang na pagaaral ang naging masamang epekto ng STFAP, ng mataas na tuition. Kumonti ang bilang ng mga nagtatagal at mga tumutuloy na pumasok sa mga pumasa sa UPCAT o entrance exam nito. Ako nga lamang ay dapat kumuha ng mas mataas na pag-aaral, kung wala ang epal na STFAP. Ayon sa 2007/2008 na pag-aaral:

"Statistically speaking, the STFAP has been unable to attract the lower income students to enter and further stay in UP. Since it was originally introduced in 1989, the trend has been towards increased Bracket 6-9 students, with majority belonging to the (highest-income) Bracket 9 population."


Lumalang STFAP, Sisihin ang EDSA 2

Mula sa paguumpisa ng STFAP na 'socialized' subalit tagong taas-tuition sa panahon ni Cory, sa ilalim naman ng Pekeng/Ilehitimong "Pangulo" Gloria Macapagal-Arroyo, na iniluklok ng mga seditious na epal na nagtanggal sa tunay na halal na si Joseph Erap Estrada noong 2001, tumindi ito. Binago at pinahigpit ang STFAP kung kaya ang dating qualified na maging libre sa basic tuition fees sa lumang sistema ay kinailangan nang magbayad.

Noong S.Y. 2007-2008, sa ilalim ng Restructured STFAP ay itinaas ng tumataginting na tatlong beses ang matrikula bawat unit: P1,000 kada unit na sa base/default Bracket 'B' at P1,5000 sa Bracket 'A.' Kung nasa 'poverty threshold' ang pamilya mo, o kumikita ng mga P10,500 kada buwan pababa, maari kang maging full iskolar na walang matrikula at maari pang may allowance SUBALIT napakahigpit ng proseso. Kung may tumutulong na kamag-anak sa iyo ay isasama ito, at pati ang pagkakaroon ng cellphone na SOP na sa buhay ngayon ay ibibilang at malamang sa hindi ay itataas ang iyong bracket. Ang bill ng kuryente ay hindi dapat tumaas sa P200! Hindi katakatakang kakaunti ang ang nasa kategoryang ito dahil bukod pa nga sa sadyang sobrang higpit ay sobrang baba ng deklaradong kita/income ng 'poverty threshold.' Wisyo na lamang, mahirap maging marunong kung malnourished ang iyon katawan.

Sa pangkalahatan, sa ilalim ng pinahigpit na STFAP sa panahon ni Arroyo, mas lalo pang kumonti ang mga iskolar, ang mga mahihirap na marurunong/deserving sanang pangunahing magaaral sa UP. Hindi mahirap makita na malaki ang naging papel ng Restructured STFAP sa lalong pagbaba ng bilang ng mga buong iskolar ng bayan, o iyong mga hindi na kinailangang magbayad ng matrikula. Ayon sa pagaaral ng Collegian, ang opisyal na organ ng UP, isa bawat limang undergraduate na estudyante ng UP ay nasa kategoryang libre ang tuition noong 1991 subalit pagdating ng 2010 ay isa na lamang kada 100 ang hindi kinailangang magbayad ng matrikula!


Mas Grabeng STFAP, BS Aquino


Sa ilalim naman ni 'Pangulo' A_Noy Aquino, na sinasabing ayon sa ilang mapri-prinsipyong personalidad ay nandaya sa HOCUS-PCOS na halalan ng Mayo 10, 2010, hindi napigil, kundi pinagpatuloy, ang pagtahak sa kontra-demokratikong mala-pribadong edukasyon sa U.P. Sa mga pahayag nito ay nilinaw niyang kanyang mala-kapitalistang plano para UP. Nais daw niya itong maging “self-sufficient and financially independent” at "income-generating, na tinatawag daw na “rationalization of public education policy.”

Kung kaya nga't sa panahon po ni 'Pangulong' Abs ay itinaas lang naman ang default bracket sa 'A' ayon sa 'Revised STAFP.' Ang ibig sabihin nito ay lahat ng estudyanteng pumapasok sa UP ay awtomatikong ang kategorisasyon nila ay ang magbayad ng P1,500 kada unit tuition pa lamang. Kung 21 units ang load mo, P31,500 ang babayaran mo sa matrikula pa lamang kada semestre. Kung mali ang iyong kategorisasyon ay ikaw ang maghabol, ang magsumite ng mga katunayang dapat sa mababang kategorya ka. 'Deferred' pa rin yata ang implementasyon nito dahil sa mga protesta subalit ilang taon nang nang lumabas ang kautusan at naghihintay na lamang ng tamang 'timing' o pag nalansi na muli nila ang atensyon ng publiko.

May mga ilang nalalagay naman sa kategoryang bracket E at D, o full scholar at kalahati/konting iskolar subalit kung noong unang ipinatupad ito ay mahigpit na, hirayain kung gaano mas humigpit ang proseso ngayon bago maging Bracket 'D' o 'E' ang isang estudyante. Malapit-lapit na sa pagpasok ng kamelyo sa butas ng karayom. Ebidensya dito ay ang kaso mismo ni Kristel na inilagay sa Bracket 'D' kahit na isang buwan pa lang nagkakatrabaho ng matino ang kanyang itay nang maging freshman ito sa UP.

Maaring ibang usapan na ang dayaan sa halalang pampanguluhan subalit ang walang duda ay sumabog sa mukha ng kasalukuyang administrasyon na ito ang mas malupit na komersyalisasyong polisiya nito sa edukasyon nang magpakamatay nga si Kristel. Ang matatawag na diretso at malapit na pinagmulan ng kanyang pasyang kitling ang kanyang buhay ay ang nabanggit ko na ngang kontrobersyal na Nobyembre 2012 na bagong patakaran ng UP Manila na nagbawal sa pagpapapasok ng mga mag-aaral na may unsettled fees/loans sa kalagitnaan ng school year.


Masisisi ba si Kristel?

Labis bang nakakapagtaka ba na ang isang fresh(wo)man na magaaral ng UP kung saan karaniwan na ang mataas ang ambisyon at agresibo sa pagabot ng mga pangarap ay pinanghinaan ng loob at nagpasyang magpatiwakal matapos itulak na mag-LOA/patigilin sa pag-aaral sa gitna ng semestre dahil sa hindi makabayad ng matrikula? Alalahanin na UP ang pinaguusapang paaralan, undergraduate na kurso at hindi medisina. UP, uulitin ko, UP--hindi lang isang tinitingalang unibersidad kundi matagal na kilala bilang unibersidad ng bayan dahil iskolar ang mga marurunong na nag-aaral dito. Sabi nga eh, 'Mahirap ka ngunit marunong ka? Tamang-tama ka sa UP, iha.'

Punong-puno siguro ng pangarap at mga plano ang yagit lamang subalit marunong na si Kristel dahil sa pagkakapasa niya sa UP. Biruin mo, kahit dukha ang pamilya ay nagawa niyang makapasok sa UP. Nagawa niyang maging isa sa mga pinagpalang magagaling na nakapasa sa 'very competitive' na UPCAT na pagsusulit dito. Ambisyon siguro niyang maging isa sa mga mahuhusay sa larangan niya. Magiging matagumpay, paglilingkuran ang bayan at lalo na, maiaahon ang kanyang minamahal na mga magulang sa kahirapan, mapagaral ang mga nakakabatang kapatid. Malamang pinaniwalaan niya na ang kanyang angking talino kasama ang pagsisikap ay sapat na upang maabot ang kanyang mga pangarap. After all, she's a UP 'iskolar ng bayan,' right?

Subalit masaklap na natanto ni Kristel na hindi pala ganoon, na hindi pala siya iskolar ng bayan, na hindi siya sasagutin ng UP, ng pamahalaan dahil lamang marunong siya at nakapasa siya sa UP. Ang Unibersidad ng Pilipinas ngayon ay hindi ang UP ng mga Dekada 50, 60, 70, at maging 80. Ang malaking pangako ng UP na papagtapusin ang mga marurunong na anak ng bayan ay ibinaon, ibinabaon ng mga Dilaw... ng mga Dilaw na tuta ng Kalbong Agila kung saan ang commercialized education nito ay nagtutulak sa ilang mag-aaral na mabaon sa utang kundi ang magtrabaho bilang mga gigolo o prosti para matustusan lang ang pag-aaral.

May isang naging UP instructor na tinira ang ginawa ni Kristel at sinulat dito sa FB sa wikang Ingles na 'hindi lang naman ang UP ang mapapasukan, na may iba pang kolehiyo/universidad na mura subalit mainam ang turo.' Hindi makatotohan ang pahayag ng taong ito na tapos din sa UP dahil alam nating ito ang pinakamataas ang kalidad ng edukasyon sa mga publikong paaralan at isa pa nga sa pinakamataas ang antas sa buong kapuluan. Pangalawa, ang taong ito, palibhasa ay elit, ay hindi naiintindihan ang dakilang pangako (noon) ng UP--ang papagaralin ng halos libre ang mga mahihirap subalit mahuhusay/marurunong na kabataan.

Punong-puno ng pangarap si Kristel, nakahawak sa lumang pangako ng UP na siyang inaakala pa rin ng karamihan sa mga Pilipino. Nagulantang nang malamang abo na pala ang pangako. Wala palang pinanghahawakan si Kristel. UP ID na nga lang, kinuha pa. Hindi tulad ni instructor na ipinanganak na napapaligiran ng pilak, walang ibang maasahan si Kristel at pamilya nito. Inabandona siya ng UP, ng pamahalaan. Sa pananaw niya ay gumuho ang kanyang mundo. Nagpasya siyang tapusin na ito.




Socialized or Privatized?

Maganda sana ang ideyang socialized education subalit sa kaso ng STFAP, lumalabas na sa pangalang lamang ito at ang tunay na tagong-pakay ay ang pribatisasyon ng pag-aaral sa UP.

1. Ang proseso at basehan ng bracketing ay sobrang higpit. Napakahirap mapabilang sa full scholar. May mga balitang dahil sa kulang ang pondong binibigay ng pamahalaan ay kinokontian na lamang ang mga nasa bracket E. Sa orihinal na STFAP, may bentilador ka lang yata ay basehan na iyon para mawala ka na sa pinakamababang bracket, ang libre tuition (at may allowance). Sa Restructured STFAP, dapat di tumaas sa P200 ang bayarin mo sa Meralco. Sa ngayon, nakita natin ito kung paanong si Kristel na bago lang nagkatrabaho ang tatay at katagal bago nabayaran ang student loan ay nasa Bracket "D."

2. Kaakibat ng STFAP ang pagtaas ng matrikula at patuloy pang pagtaas nito. Nagagamit pang batayan ng ibang mga unibersidad at kolehiyo ang tumataas na tuition sa UP upang bigyang dahilan ang sarili nilang mga pagtataas ng matrikula. Sa katunayan sa ngayon ay mas mataas pa ang matrikula ng UP kaysa sa average kahit sa Metro Manila. Maituturing na kahanay na ng mga pribadong paaralang ang UP, na mura lamang ng may P300 piso kada unit sa mga matrikula ng hindi nalalayo sa University of Sto. Tomas (P1,249/unit) at Far Eastern University (P1,308/unit). Kung maipapatupad pa nga ng todo ang bagong STFAP scheme kung saan Bracket 'A' o P1,500/unit ang default ay mas mahal pa nga ang tuition ng UP kaysa FEU o UST.

Ang sobrang higpit na patakarang kategorisasyon sa STFAP at mataas na matrikula--lumalabas na alinsunod sa patakarang quasi-pribatisasyon--ang mga pangunahing dahilan kung bakit nauubos na ang mga iskolar sa UP. Ibig sabihin nito, mayayaman na ang karamihan sa populasyon ng (dating) unibersidad ng bayan. Isang dagdag pagpapatunay po na halos wala nang mahirap sa UP ay ang karanasan ng ng aking anak. Sa isang asignatura, nasa kalahati ng kaklase niya ay mga milyonaryo at ang ilan ay nagbibilang lang naman po ng kotse.


Paglalagom

Ang patakarang 'no tuition, mag-LOA ka' na diretsong nagbunsod para kitlin ni Kristel P. Tejada ang kanyang buhay ay mabigat at unprecedented para sa isang pampublikong unibersidad ngunit lakas loob na ipinatupad ng mga bataan ni Aquino sa UP Manila. Malalakas ang loob dahil mukhang ang STFAP sa ilalim ni BS Aquino ay nakarating na o malapit na sa huling mga yugto ng planong pribatisasyon ng UP na niluto lampas dalawang dekada na ang nakakaraan sa panahon ng nanay nito.

Sa pagdaan ng dekada, ng lampas 20 taon na pagpapatupad ng STFAP, makikita na kunwa o front lamang and pagiging 'socialized' ng STFAP patungo sa planong pribatisasyon/quasi-privatization ng UP, kundi ng buong mataas na edukasyon sa bayan. Kung aalalahaning isang state university ang UP, ang pinakamagaling/matayog na pampublikong paaralan sa kolehiyo, makikitang isang malaking anomalya ang taas ng tuition at pagkakaroong ng kakaunti lamang mga iskolar sa ilalim ng STFAP. Mukhang sa pangalan lamang 'socialized' ang scheme ng STFAP at ito ay isang kontra-demokratikong programang na tumatarget sa mayayaman bilang kliyente papunta sa tunay na landas nito na pribatisasyon.

Hinuhusgahan ang puno sa bunga nito. Kung mainam talaga ang STFAP na niluto, pinalawig, at pinahigpit nga mga Dilaw, eh di sana sa ilang dekadang pagpapatupad nito kahit papaano ay hindi kumonti, kundi man dumami, ang mga buong iskolar, ang mga mahihirap na mag-aaral sa UP. Sa pagpapatiwakal nga ni Kristel ay nalagasan pa ng isa ang maliit na bilang na mga yagit na populasyon sa UP.

Sana ay magkaroon naman ng makabuluhang bunga ang pagkitil ni Kristel sa sarili nitong buhay. Makita sana ng bayan na ang STFAP ay panlilinlang gamit ang terminong 'socialized' at propagandang pagsuporta kuno sa pagaaral ng mga mahihirap. Kabaligtaran ang kinalabasan--ang unti-unting pagkaubos ng full scholarsl sa UP. Ang polisiyang 'rationalization of education' nila Abs Aquino ay isang gibberish propaganda para sa pagkomersyo ng edukasyon. Ito ay paglabag ng mga Dilaw sa ating Saligang Batas. Atas ng Konstitusyon ng 1987 sa pamahalaan na gawing accessible ang edukasyon, hindi ang gawing mahal ito o iasa sa kapitalismo. Ang STFAP ang dapat abandonahin ng estado, hindi ang pangako ng UP.


_____

Mga Batis

An Assessment and Review of the New Tuition and Socialized Financial Assistance Program . http://images.cdcsc0708.multiply.multiplycontent.com/attachment/0/Ry2WCwoKCt8AAFFtA1g1/An%20Assessment%20and%20Review%20of%20the%20New%20Tuition%20and%20SFAP.ppt?nmid=65951927

Crisostomo, Vencer. [UPDATE: UP responds] Back-to-school: New tuition bracketing scheme hikes UP tuition by P500/unit. http://thepoc.net/commentaries/16101-back-to-school-new-tuition-bracketing-scheme-hikes-up-tuition-by-p500unit.html

Dizon, David. Tejada suicide highlights STFAP flaws. http://www.abs-cbnnews.com/nation/03/19/13/coed-suicide-highlights-flaws-stfap-classification

Shattered Dreams. http://www.mb.com.ph/article.php?aid=4379&sid=22&subid=72#.UV4A7xzZjOo

STFAP Bulletin for the Alphabetic Bracketing Scheme. http://stfap.up.edu.ph/stfaponline/page.php?content=bulletin&prevpage=%2Fstfaponline%2F

UP: Student's death an 'isolated case'
http://ph.news.yahoo.com/up--student-s-death-an--isolated-case--080853513.html

UP Manila has ‘Day of Mourning’ in remembrance of Kristel Tejada. http://www.theglobaldispatch.com/up-manila-has-day-of-mourning-in-remembrance-of-kristel-tejada-77800/

UP-Mindanao students bat for abolition of STFAP. http://davaotoday.com/main/2013/03/21/up-mindanao-students-bat-for-abolition-of-stfap/

Youth, groups mourn Tejada’s death, hold black protest. http://bulatlat.com/main/2013/03/21/youth-groups-mourn-tejada’s-death-hold-black-protest/

Popular Posts