MELCHORA Aquino. Ang bayaning tinatawag na "Ina ng Katipunan." Ipinanganak noong 1812 sa ganitong araw, Enero 6, sa barrio Banlat, Caloocan. Ika-200 Taon ng Kapanganakan niya ngayon.
Walungpu at apat (84) na taon na si "Cabezang Melchora" (mas kilala ngayon bilang "Tandang Sora") nang naging buhay na testigo siya sa Sigaw ng Balintawak, sa pagpupunit ng manghihimagsik na Katipunero/a ng mga sedula. Nakasalamuha niya at pinatuloy sina Supremo at iba pang mga Katipunero/a nang dumating sa Balintawak ang mga manghihimagsik. Ang kanyang kamalig ang naging lugar kung saan binuo ang Panghimagsikang Pamahalaan mula sa tagong samahan ng Kagalanggalangang Katipunan nang manga Anak nang Bayan.
Masasabing ang Katipunan na yugto ng buhay ni Melchora Aquino ay nagsimula noong bandang kalagitnaan ng Agosto 1896 nang pumunta ang mga pinuno ng Katipunan sa Kangkong, Balintawak at pinatawag dito ni Supremo Andres Bonifacio ang mga jefes generales ng Hukbo ng Katipunan, kabilang sina Mariano Llanera, Manuel Tinio, Aurelio Tolentino, Valentin Diaz, at Miguel Malvar.
Ang Balintawak ay hindi nakakapagtakang naging kampo ng mga Katipunero/a dahil hindi ito masyadong malayo sa Tondo at dahil may mga kamag-anak si Supremo Andres Bonifacio sa Caloocan. Maliban pa dito ay tago ang Balintawak noon dahil sa makapal na halamanan o kagubatan. Ang pinakamahalaga, maraming mga Katipunero/a ang nasa bandang hilaga ng Manila malapit dito--Caloocan, Montalban, at San Mateo. Ang unang pansamantalang pinagkutaan nina Bonifacio sa Balintawak (mula looban ng Caloocan) ay ang bahay ng mayaman na si Apolonio Samson sa Kangkong.
Photo Art: JB |
Mga Naging Papel ni Tandang Sora sa Katipunan
Ano ang naging papel ni Tandang Sora sa Katipunan? Nakatira malapit sa Pook Kangkong sa Balintawak, partikular sa Pasong Tamo, si Tandang Sora (ayon kay Soledad Borromeo). Nang magpasya si Bonifacio na lisanin ang lugar ni Samson sa Kangkong sa takot na mahuli ng mga Kastila, lumipat sila sa Bahay Toro (Pasong Tamo) sa lugar ni Melchora Aquino.
Naging napakamakabayan at matulungin ni Melchora Aquino kahit na matanda na siya. Marami ang nakakaalam ngayon na nagpakain, nagpatuloy, nagbigay damit, at tumulong manggamot si Tandang Sora sa mga Katipunero/a. Itinago rin niya ang mga Katipunero/a sa mga kaaway na Kastila. Ayon kay Hen. Santiago Alvarez, si Cabesang Melchora ay naging kasing mapagbigay katulad ni Samson. "Like him, she also opened her granary and had plenty of rice pounded and animals slaughtered to feed us, " sinulat ni Alvarez.
Bukod pa sa mga nabanggit, si Tandang Sora ay sumali sa mga pulong ng Katipunan. Nagpupunta siya mismo sa katabing Kangkong para sa mga pulong at upang magbigay na rin ng mga pagkain at ibang pangangailangan ng manghihimagsik. Sa pagbubukas niya ng pinto kina Supremo Bonifacio, sa manghihimagsik na Katipunan, naging makasaysayan din ang kanyang kamalig sa tala ng ating pagkabansa.
Pamahalaang Manghihimagsik
Ayon kay Alvarez at bagong pagsasaliksik nila Milagros Guerrero, sa kamalig ni Cabezang Melchora noong bandang Agosto 24, 1896 naganap ang mahahalagang pasya at pagbabago/ transformation ng Katipunan mula isang tagong samahan na naghahangad na palayain ang bansa mula sa kolonyal na banyagang pamahalaan patungo sa isang panghimagsikang pamahalaan. Kabilang sa mga mahahalagang pangyayari sa lugar ni Melchora Aquino ay ang pagpapasya na umpisahan ang giyera ng kalayaan sa Agosto 29; ang pag-organisa ng panghimagsikang hukbo sa ilalim nila Aguedo del Rosario, Vicente Fernandez, Ramon Bernardo, at Gregorio Coronel; at ang ang pagplaplano ng taktika ng apat na brigadier generals.
May interesante ring kwento ng Katipunero/a na nangyari sa bahay ni Tandang Sora. Ayon kay Aurelio Tolentino, nang natutulog sina Bonifacio, Emilio Jacinto at iba pa sa bahay ni Melchora Aquino, may isang Katipunerong nanaginip ng isang mala.Birhen na babae kasama ang isang bata. Ang magandang babae ay nakasuot ng balintawak, isang native na damit at ang supling niya ay nakasaplot na ordinaryo o pangmasa, may hawak na bolo at sumigaw ng "kalayaan". Nilapitan ng Birhen ang taong nananaginip at nagbigay babala sa kung ano. Nagising ito at sinabi ang kanyang napanaginipan at kung kaya pinagpasyahang huwag agad tumuloy sa Manila. Ilang araw pa ay lumabas ang balita na ni.raid ng guardia civil ang imprenta ng Diario de Manila. Kung hindi daw dahil sa napanaginipan (sa bahay ni Tandang Sora), maaring nahuli si Bonifacio at pinatay/execute na ng Kastila, at hindi baka hindi natuloy o naantala ang rebolusyon.
Nang sumiklab na ang Himagsikan at hinahabol na ang mga Katipunero/a, tumulong si Cabezang Melchora sa pagtatago sa kanila. Sa kanyang maliit na tindahan daw tumatakbo ang mga Katipunero/a na kanyang ginagamot at pilit itinatago mula sa kaaway na Kastila.
Agad nahuli at pinahirapan daw si Tandang Sora ng mga Kastila bago pinatapon sa bandang Guam noong taong ding iyon. Pinilit siyang magsalita nguni't hindi niya kailanman pinagkanulo ang Himagsikan, ang Katipunan. Nasa ibang bansa man ang kanyang katawan, ang nasa isip niya ay ang kalayaan at ang mga Katipunero at Katipunerangng lumalaban upang makamit ito. Pinauwi siya ng bagong mananakop, ng imperyalistang Estados Unidos, noong 1903. Matanda at naging mahirap na si Melchora Aquino Binawian ng buhay ang Ina ng Katipunan noong Marso 1919 sa edad na 107.
*Ang Kangkong, Bahay Toro, Pasong Tamo, at Gulod ay pawang mga bahagi ng Balintawak na nasa loob naman ng Caloocan noong panahon ng Kastila
______
Mga Batis:
Alvarez, Santiago V. The katipunan and the revolution:
memoirs of a general : with the original Tagalog text. Ateneo de Manila University Press, December 1992.
Borromeo-Buehler, Soledad & Borromeo, Soledad Masangkay. The cry of Balintawak: a contrived controversy : a textual analysis with appended documents. Ateneo de Manila University Press, 1998
Character Education. Rex Bookstore, Inc.
Donato, Tony. Sino ang Nakakatanda kay Tandang Sora. http://
Guerrero, Milagros, Emmanuel Encarnacion, & Ramon Villegas. Andres Bonifacio and the 1896 Revolution. 2003, June 16. http://www.ncca.gov.ph/
Duka, E. Struggle for Freedom' 2008 Ed. Rex Bookstore.
Ileto, Reynaldo Clemena. Pasyon and revolution:
popular movements in the Philippines, 1840-1910. Ateneo de Manila University Press, December 1979.
Language Arts for the Filipino Learners: An Intergrated Language and Reading Work-a-Text for Grade Four: Volume One. Rex Bookstore, Inc.
Paraiso, Bryan Anthony. Tandang Sora: Profile of A Courageous Mother. http://www.nhi.gov.ph/
Raw Photo Credits: