Friday, March 29, 2013

Panata ng mga Kalalakihan - Gawin Ninyo pang Sexual Penitence/Fidelity


Isang repost ng artikulo ko sa FB noong Biyernes Santo ng isang taon, 2012.

Ngayong BIYERNES SANTO, dito sa Pilipinas, sa bandang Gitnang Luzon lalo na, maraming kalalakihan na Kristiyanong Katoliko ang dumaan sa mabigat na pisikal na pahirap. Ginaya ang Pasyon ni Hesukristo. Naisip ko lamang na mas maganda siguro kung sasamahan ito ng KALINISAN din sa bahaging GITNANG BABA ng mga kalalakihang ito dahil sexually ay malinis naman si Hesus, di ba?

Ayon sa kanilang panata, maraming kalalakihan ang ginaya ang Pasyon, ang sinasabing pahirap kay Poong Hesukristo papunta sa Golgotha kung saan ipinako ito. May ilang Pilipinong nagpapako, may ilang nagpasan ng krus subali't karamihan ng nagpanata ay naghampas o nagpahampas sa likod, pati sa likod ng binti, at ang iba ay sa dibdib pa. Burillos daw ang matatalim na dulo ng ginamit na panghampas habang naglalakad ng nakatapak, hindi sa lupa kundi sa mas mainit na semento, papunta ng simbahan. Penitensya. Good Friday flagellation sa wikang Inglis.


Mula sa isang nauna kong artikulo:

"Locals supposedly call the Good Friday penitents “kandarapa.” The mortification ritual is part of the kandarapa's “panata” or religious pledge, often made either in the bid to make God forgive or their sins or to ask for some difficult favor for themselves or some loved ones. The ritual serves as a reenactment of the passion of Jesus Christ while on the way to his crucifixion. The prostrate move, with arms outstretched and legs held straight together, symbolizes Christ's crucifixion on the cross."

http://jesusabernardo.newsvine.com/_news/2010/04/05/4118457-philippine-lent-2010-from-the-lens-of-a-doubting-patriot


Hindi biro ang panatang ito. Mainit ang panahon, mainit ang sementong tinatapakan habang naglalakad ng nakatapak. Matatalim ang dulo ng karamihang panghampas kung kaya't nagsusugat ang mga likod ng mga matatapang na kalalakihang ito. Sa hindi katagalan ay nagdurugo na ang mga likod at mapulang mapula na sa dugo ang mga katawan. Sa mga hindi nakakaalam ay maari pang isiping prop na dugo lamang ang nakikita. Sa mga hindi sanay ay nakakangiwi ang nasasaksihan. Kung malapit ka sa mga nagpepenitensyang ito ay hindi nakakapagtakang matilamsikan ka ng kanilang mga dugo. Walang reklamo kang maririnig subali't napakasakit at napakahirap siguro. May ilang halos himatayin subali't hindi titigil, magpapahinga lang ng kaunti upang kumuha ng lakas at mapagpatuloy ang panatang penitensyon.

Walang matanda kang makikitang nagpepenitensya ng ganito dahil hindi naman talaga kakayanin ng mga mahinina. Marami ay matitipuno ang katawan; may mga payat ng kaunti subali't malalakas ang physique. Itong mga tipo rin kalalakihan na ito ang masasabing nasa peak ng kanilang sexual prowess.

Naisip ko lang, pagkatapos kaya ng Biyernes Santong penitensya ay bumabalik din sa bisyo ang mga kalalakihang ito? Masasabing tanggap sa kulturang Pilipino ang pambabae--balik din kaya sa ganitong gawi ang mga nagpepenitensyang ito kung mayroon mang ganyang masamang bisyo ang ilan o marami sa kanila???

Dahil ginagaya din naman nila si Hesukristo na isang Celibate o Sexually moral na tao/Diyos ayon sa turo ng Simbahan, bakit kaya hindi nila isama sa Panata ang SEXUAL PENITENCE o kung hindi man ay Sexual Discipline/FIDELITY sa buong taon. Mas mahirap marahil subali't mas maka-Diyos at maka-tao, maka-Asawa.

Mainam din namang sa mismong Biyernes Santo ay inaalala ang buhay at kamatayan ng pinaniniwalaang Poong Hesukristo. Subali't kung ang mga nagpepenitensyang ito ay magiging malinis sa kama, matapat sa mga asawa o kasintahan sa buong taon ay mas lalo sigurong matutuwa si Bathala. Magiging maganda pa silang halimbawa sa ibang mga kalalakihan at baka sakaling dumami pa ang tribong TAPAT sa kalupaan ng Pilipino/Tagalog/Taga-Ilog.

____

Photo Credit:

http://farm6.static.flickr.com/5101/5648346880_e8bb6db79f.jpg

Friday, March 22, 2013

Iwasto ang Dayaang Tejeros Convention, Iboykot ang mga Halalang PCOS

22 ng Marso. Kumbensyon ng Tejeros. 1897. Ito ang unang nagtampok sa pambababoy, pagtapak, pagbabale-wala sa tunay na tinig ng bayan--nagpatalsik at nagbigay daan sa walang katarungang paglilitis at pagpatay sa Supremo Andres Bonifacio. Dahil sa Tejeros Convention na nagbigay momentum sa kasulasulasok na pambabasura sa napakahalagang sangkap ng demokrasya, ang halalan, hanggang ngayon ay dala-dala ito ng ating sistema pulitikal, naging kaugalian na yata ang pandaraya at pagtanggap dito. Kaya naman parang bale-wala ang krimeng conspiracy ng mga epal nang patalsikin ang hindi nandayang si Pangulong Erap Estrada, nang dayain ni Gloria Arroyo si Fernando Poe, Jr. noong 2004, nang dayain si Erap ng sabwatan nina BS Aquino, Arroyo, at CIA noong 2010. Kaya naman ang mga kampo ng mga mismong kumundina o biniktima ng mga halalang nabanggit ay kataka-takang sumasabak na naman sa halalan ngayon.

Ano po ba mga kuya at ate, nagkaroon nga po ba ng dayaan sa 2 huling eleksyon? Tatlong bagay lang ang magpapaliwanag ng muling pagtakbo ng kampo nila Poe, Jamby Madrigal, Jc de los Reyes, Erap, at Kaliwa. Una (1), nalito lamang sila sa kanilang alegasyon noon. Pangalawa (2), nagsinungaling lamang sila na nagkadayaan--na wala naman yata sa pagkatao nila. Pangatlo (3), meron silang alam na kanilang inililihim sa bayan.

Tejeros - Unang Pandaraya

Balik muna po tayo sa kauna-unahang madayang halalan sa bayang palaban na upang makamtan ang kalayaan... Ang araw na ito, Marso 22, 116 taon na ang nakakaraan, ang Unang Madayang Halalan sa ating bayan. Hindi unang halalan ng Bayan, ng ating lahi dahil ang maituturing na una ay ginanap noong Agosto 1896 nang binuo ang manghihimagsik na pamahalaan ng Katipunan, ang Pamahalaang Tagalog (Pilipinas/Taga-Ilog/Maharlika). Subalit ang Kumbensyong Tejeros ang unang nagtampok ng pambabasura sa boto ng mga Pilipino.

Maaring tawagin itong coup d'etat, ayon sa salita ng historyador na Dok Zeus Salazar, na ginamitan ng elemento ng pandaraya. Bago pa man magsimula ang Kumbensyong Tejeros, inulat na ni Diego Mojica, isang opisyales ng Katipunan, Magdiwang, na may mga nakasulat nang mga pangalan sa balota na dapat ay blanko. Lumabas na nanalo raw pangulo si Emilio Aguinaldo at kahit lumabas din ang pangalan ng Supremo ay ginulo ito ng isang Daniel Tirona taliwas sa napagkasunduan kaya dineklara itong bale-wala ni Bonifacio.

Naglabas kaagad ng deklarasyon na nagkadayaan sa Tejeros si Hen. Artemio Ricarte, na sa mga sumunod na araw, ayon kina Hen. Santiago Alvarez, ay tinakot upang manumpa sa 'pamahalaan' ni Aguinaldo. Naglabas ng pangkontrang Acta de Tejeros sila Bonifacio kahit na nagkaroon pa rin ng mga pag-uusap ang dalawang kampoo paksyon ng KKK sa Kabite (pinahiram pa nga ng Magdiwang ng mga sandata ang balasubas na Magdalo sa paglaban sa Kastila). Sumunod, nag-utos si Aguinaldo na daklutin, patay o buhay ang Supremo, ayon pa rin sa ulat ni Alvarez. Nilitis na salat sa katarungan si Bonifacio at kapatid nito at patagong pinatay sa bundok ng Kabite, baka tinadtad pa. 



Dayaan Noon, Dayaan Hanggang Ngayon


Kaya naman dahil siguro sa momentum, o kaya ay sa buto ng kasamaan sa halalan na itinanim nina Aguinaldo, hindi na bago ang pandaraya sa Pilipinas na lumala pa sa panahon ng mga Dilaw. Kahit ang 1907 halalan noong Philippine Assembly [salin: kolonyal na instrumentong legislatiba ng imperyalista] ay madaya--by design o dahil sinadyang hindi pinaboto ang masa at nasa 1.5% lamang ng populasyon ang nakaboto--yaong ang mga may lupa o nakakapagsalita lamang ng wikang Kastila (at Ingles) ang pwede. Pero usapang Kalbong Agila na yan.

Sa panahon ng mga Dilaw lalo na ang huling dalawang dekada lumala ang pandaraya dahil pangmalakihan na ang sistemang gamit, hindi lamang ang 'tradisyonal' na pagboto ng patay o maramihang beses o pagpalit ng ballot boxes. Sa panahon ni Arroyo na bahagi ng Kanan at kasabwat ang Simbahan at ang Kaliwa sa pagpapatalsik kay Estrada noong EDSA 2, niluto ang halalan sa pagmanipula sa boto sa Maguindanao gamit ang Komisyoner ng COMELEC, katulong ang mga kampon nito sa Kongreso. Kinawawa si FPJ noong 2004, nagreklamo ng pandaraya ang kanyang kampo bago inatake.

Noong 2010, automated pa ang dayaan, ang boto ng buong bayan ay niluto, malinaw sa pwestong Pampanguluhan at naluklok si Abs Aquino, tinalo daw si Estrada na pumangalawa. Bago mag-concede si Erap ay tinira ng kampo niya ang pandaraya. Sila ang nagpauso ng 'HOCUS-PCOS' na tumutukoy sa automated electoral cheating. Ang mga tumakbo rin sa pampanguluhan na sina Sen. Jamby Madrigal at Konsehal Jc de los Reyes, kasama si G. Nicanor Perlas, ay kahanga-hangang nag-concede pero hindi kay BS Aquino dahil matapang nilang itinuro at kinundina ang pandaraya sa halalan gamit ang mga makinang PCOS. Kahit nga si Bro. Eddie Villanueva ay nagsalita rin kahit paano laban sa dayaang 2010. Ang kampong Kaliwa sa pamamagitan ni Prop. Joma Sison naman ang nagsiwalat ng mekanismo at naging pagplaplano ng dayaan--nagusap nga daw at nagplano ang tagong magkakakulay na si Arroyo, ang kapatid ni Abs na si Pinky Aquino.Abellada, at ang napakasamang Central Intelligence Agency ng bansang Kalbong Agila upang lutuin ang halalang Mayo 10, 2010 gamit ang PCOS na mga makina.




Eh Bakit Sumasali pa sa Halalang 2013?


Nakakapagtakang ngayong 2013 ay sumasali na naman sa halalan ang mga kampong ito. Ang anak ni FPJ na si Grace Poe Llamanzares ay tumatakbo pa sa ilalim ng Team Dilaw na kinabibilangan ng Liberal Party na may mga kasapi, kundi man ang buong party, na gumawa ng paraan sa Kongreso upang hindi mabilang ang kwestyunableng mga COCs o certificates of canvass. Sa 'Hello Garci' tapes ni Arroyo ay sinabi nitong may mga kakuntsaba siya sa Senado, atbp. na malamang ay kabilang si Sen. Kiko Pangilinan. Si Kiko na ni hindi naipanalo ang posisyong Kongresista sa Quezon City, na nanalo lamang gamit ang asawang si Sharon Cuneta, ay sirang-sra sa pagsasabi ng "NOTED" upang barahin ang kampo ni FPJ na nais lamang mabuksan ang COCs upang mapatunayan ang pandaraya sa halalan.

Si Pangulong Erap ay tumatakbo ngayong mayor sa Manila. Nagconcede na nga mismo kay BS Aquino at naging taga-suporta pa nito pero hindi maikakailang tinira noon ng kampo niya ang dayaan gamit ang PCOS. At madalas din nitong tinitira ang naging pandaraya kay FPJ, katulad noong kampanya ng 2010.

Si Madrigal naman ay isa pang ala-Grace Poe na tumatakbong senador ngayon doon pa sa ilalim ng partido ni BS Aquino. Malinaw na itong si Abs and kanyang tinira, kasama nga sina de los Reyes at Perlas, hanggang ilang buwan matapos itong umupo ng Malakanyang. Itong lang naman po ang sinabi ni Madrigal noong Hunyo 19, 2010 sa isang pitong-oras na forum, na matagal-tagal din niyang pinanindigan:

We wake up one day and the votes are set and we do not even know how our votes were counted. I think we owe it to ourselves to look for the truth. And we thank you for being here in search of the truth, so that each and every one of us can make our own conclusions, but we should not let democracy be assaulted if there is any question of the 2010 elections being fraudulently conducted.

Si de los Reyes ay tumatakbo ring senador, ngunit hindi sa ilalim ng dilaw kundi sa maprinsipyo niyang partidong Kapatiran. Isa ito sa naunang nag.concede kay BS Aquino subalit madalian niya itong binawi nang malaman ang mga pandaraya. Matagal-tagal ding tinira ni de los Reyes, kasama si Madrigal at Perlas, ang madayang halalan.

Sa panig naman ng Kaliwa, hindi tumatakbo si Ka Joma subalit ang mga kapanalig niya sa Pilipinas sa pangunguna ni Rep. Teddy Casino ng Bayan Muna. May mga humikayat sa kanya, o napagusapan ba nila, na ibokyot ang halalan subalit sumige pa rin.



Nalito, Nagsinungaling, o Ano ang Sikretong Meron?

Tulad nang nauna kong sinabi, may posibilidad na mga nalito o mga nagsinungaling lang ang mga kampong ito tungkol sa mga pandaraya noong 2004 at 2010 (may nagtuturo ng pagkakasabwat ng partido ng Dilaw, ni Aquino, sa pandaraya noong 2004). Subalit maari bang ang lahat ng mga ito ay mga sinungaling? Malamang sa oo ay hindi dahil si JC de los Reyes, at kahit papaano si Jamby din, kasama ang Kaliwa, ay kilalang mga mapriprinsipyo. Kahit si FPJ nang nagreklamo siya sa pandaraya, ay kilalang malinis pagdating sa bayan dahil unang una ay baguhan ito sa politika at sa pagkakaalam ng marami ay nakumbinsi lamang dahil sa pagmamahal niya sa bayan. Si Pangulong Erap naman ay kilalang hindi marunong mandaya pagdating sa halalan. Isa pa, patungkol sa halalang 2010, sabay-sabay bang nalito o nagsinungaling sina Jc, Jamby, (Perlas), at Ka Joma, at sa maikling panahon, si Erap? Lalo na si Ka Joma na pasok pa ang CIA sa kanyang pagsisiwalat. Malabo yatang mga nalito o nanloko, at nagkwentong kutsero sabay-sabay sila.

Ang mas may katuturang dahilan ng kanilang pagsali ngayon sa halalan kahit na maingay nilang tinira ang mga pandaraya ng 2004 (mukhang kasabwat ang Dilaw) at 2010 ay may alam, o plano kaya, sila na hindi sinasabi sa atin. Maari kayang nangako si A_Noy Aquino na ngayon ay hindi magkakadayaan at sa pampanguluhan lang iyon dahil alam na nga ng marami na kung ano ang gusto ng imperyalistang Amerika, iyon ang nasusunod dito sa Pinas. Sinabi sigurong ayaw lang kasi ng Kalbong Agila kay Erap dahil lumaban ito sa base militar at dahil ayaw din ng elit dito kaya dinaya nila ito noong 2010.

O maari kayang sinabihan ni Abs ang ilan sa mga tumatakbo ngayon sa partido niya na 'promise, babawi ako sa inyo sa naging pandaraya ko noong 2010 (o pagtatakip ng partido ko noong 2004) at ngayon ay sisiguraduhin kong panalo kayo.' Ngek!

Sa panig naman ng Kaliwa at ni Jc de los Reyes ay maari sigurong gusto lang nilang gamitin ang mikropono ng kandidatura para maitulak ang mga makabayan nilang hangarin. Ewan din natin. Sana nga ganoon lang at wala nang ibang tagong pakikipag-usap sa mga epal na Dilaw.




Iwasto ang Tejeros... Boykot!... Itanghal ang KKK


Subalit hindi pa rin siguro tama na magbulag-bulagan o isangtabi na lamang ang KRIMENG pangdaraya ng Kampo ng Dilaw. Paano na ang katotohanan, ang katarungan, ang tunay na nais ng taumbayan?

Siguro kung makakausap lamang tayo ngayon nina Supremo Andres Bonifacio, Sek./Hen. Emilio Jacinto, Tandang Sora, Gregoria de Jesus, sampu ng mga bayani sa mga Katipunero, sasabihin nilang balikan at itakwil ang Kumbensyong Tejeros at lahat ng dayaang sumunod dito. Magumpisa tayong muli, balikan at itanim at pagyamanin ang mga aral ng Katipunan na nagtuturo ng Kapatiran, Kagandang-Asal, at Wagas na Pagmamahal sa Bayan. Linisin ang sistema ng pamahalaan at ating mga kaisipan dahil sa pagtataguyod ng Bayan na malinis lamang maayos ang daan, mga dumadaan at malamang, ang kahihinatnan.

Siguro, sasabihin nina Bonifacio at tunay na Unang (Manghihimagsik) na Pamahalaan na iwasto ang Kumbensyong Tejeros at talikuran ang naging paguugaling pandaraya or pagwalang-bahala sa pandaraya sa halalan. Sasabihin siguro nilang mas mainam na IBOYKOT ang halalan 2013 at mga susunod pa hanggang luminis, tumayo ang Bagong Bansang tunay na demokratiko at Bayan ang pinaghahari.

_____

Mga Batis:

Alvarez, Santiago. The katipunan and the revolution: memoirs of a general : with the original Tagalog text. Paula Carolina S. Malay. Trans. Ateneo de Manila University Press, 1992. http://books.google.com/books/about/The_katipunan_and_the_revolution.html?id=F3q-krDckHwC

Artemio Ricarte Declaration date 24 March 1897. Filipiniana.net. http://www.filipiniana.net/publication/artemio-ricarte-declaration-dated-24-march-1897/12791881635983

The “Acta de Tejeros”. http://kasaysayan-kkk.info/docs.adt.230397.htm

The Assassination of Bonifacio and Antonio Luna. Exerpts from Julio Nakpil's 'Apuntes Sobre La Revolucion Filipina' (Notes on the Philippine Revolution). http://www.oocities.org/valkyrie47no/himno.htm

Bonifacio, Andres. “Letters to Emilio Jacinto.” In The Writings and Trial of Andres Bonifacio, trans. Teodoro A. Agoncillo and S. V. Epistola. Manila: Antonio J. Villegas; Manila Bonifacio Centennial Commission; University of the Philippines, 1963. 13-22. http://bonifaciopapers.blogspot.com/2005/09/bonifacio-andres_112726277825094355.html

21 May. http://philippines-islands-lemuria.blogspot.com/2012/05/21-may.html

In Search of the Truth of the May 10, 2010 Philippine Automated Elections. http://forthephilippines.blogspot.com/2010/06/in-search-of-truth-of-may-10-2010.html

Foreign Powers Coercing the Filipino Masses for a Noynoy "Presidency"?
http://forthephilippines.blogspot.com/2010/05/foreign-powers-coercing-filipino-masses.html

The Tragedy of the Katipunan: The Supremo's Assassination-cum-Executio
n (Bonifacio Series IV). http://jesusabernardo.newsvine.com/_news/2011/05/10/6619505-the-tragedy-of-the-katipunan-the-supremos-assassination-cum-execution-bonifacio-series-iv

Andres Bonifacio, Unang Pangulo ng 'Pilipinas': Setting the Historiographic Record Straight (Bonifacio Series VI). http://forthephilippines.blogspot.com/2011/12/andres-bonifacio-unang-pangulo-ng.html

The HACKING of the SUPREMO, Unang Bahagi (Bonifacio Series VII). http://forthephilippines.blogspot.com/2012/05/hacking-of-supremo-unang-bahagi.html

Popular Posts