ANG pagdaklot, paglilitis, at pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio y de Castro, pangunahing nagtatag at nagpalakas ng, at Supremo ng Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan nang manga Anak nang Bayan ang isa sa mga pinakapangit at kasuklam-suklam na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas/Tagalog/Taga-Ilog/Maharlika. Paano nga naman nangyari na ang namuno ng rebolusyon, ang 'Ama ng Himagsikan' laban sa Kastila, ang pangunahing naghangad ng, at kumilos upang makamit, ang ating kasarinlan at pagkabansa ay nilitis at hinatulan ng kamatayan?
Masalimuot ang usaping ito at maraming papasok na mga katanungan. 1) Pasok dito kung lehitimo ang resulta ng halalan sa Tejeros Convention na sinasabi ng kampo ni Aguinaldo na nagbigay ng kapangyarihan sa kanya upang maging "Pangulo" ng itinatag nitong "Republika ng Pilipinas" bilang paghalili daw sa posisyon at kapangyarihan ng Supremo at (pamahalaan ng) Katipunan. Nagkadayaan sa Tejeros, ayon sa Kabitenyo at opisyal ng Katipunan na si Diego Mojica at kay Hen. Artemio Ricarte, at bukod pa dito ay pinawalang-saysay ni Bonifacio, na presiding officer ng Tejeros, ang naturang halalan. 2) Pasok din kung bakit patraydor ang pagdaklot sa magkapatid na Andres at Procopio Bonifacio at pagpaslang sa isa pang kapatid na si Ciriaco. Bukod sa 'dead or alive' ang utos ni Aguinaldo sa mga tauhan nito ay patraydor pa ang 'paghuli' kina Supremo na mainit pang tinanggap ang mga ito na mainit ilang oras bago sila atakihin, ayon kay Hen. Santiago Alvarez. 3) Pasok din kung bakit mas malinaw.sa.hindi na lutong makaw ang Hukom Militar na naglitis sa magkapatid: Si Aguinaldo ang bumuo ng korte; ang pinsan niyang si Baldomero Aguinaldo ay court auditor; at si Hen. Mariano Noriel, ulo ng hukom na ito, ay sa umpisa pa lang ng trial already asked the "Most Respected and Distinguished President" Aguinaldo to judge the extent of the evil and treacherous intentions of Andres Bonifacio; AT, maliban sa ilan pang iregularidad sa court proceedings, ang binigay na 'defense lawyer' na si Placido Martinez ay hinusgahan pang may sala at masama ang Supremo. 4) Bakit din pinabayaan--o isinagawa--ang makahayup na pagtrato sa angkang Bonifacio. Pinatay si Ciriaco; binaril at sinaksak si Gat Andres; tinangkang halayin, o talaga daw nahalay si Gregoria de Jesus; at itinapon sa isang madilim at maliit na bartolina ang magkapatid na Bonifacio na pinagbawalan ang pagbisita, hindi ginamot ang mga sugat (ni Supremo) at halos hindi pinakain at kung pinakain man ng kaunti, ito ay "pagkaing hindi na dapat sabihin," ayon sa paglalarawan ni Hen. Alvarez.
Subali't sa kasalukuyan, ang maaring pinakamainit na mga katanungan ay may kinalaman sa mismong araw ng pagkitil nila ng buhay ng magkapatid na Bonifacio. Ano nga ba ang mga nangyari noong ika-10 ng Mayo 1897. Dito, ang may potensyal maging pinaka.nakakagimbal ay kung paano nga ba talaga pinatay ng kampo nila Aguinaldo sina Supremo?
"Ang Wakas ni Andres Bonifacio" ni Carlos Valino Jr. Nanalo sa 1963 Andres Bonifacio Centennial Art Contest Pinagkunan: Tragedy of the Revolution (akda ni Adrian E. Cristobal) via Prop. Michael Chua |
Tulang Putol-Putol
ANDRES BONIFACIO
ATAPANG NA TAO
A putol a paa, di dadapa
a putol a tenga, di bibingi
a putol a kamay, di papasma
a putol a ulo, di tatakbo
a putol a buho, di kakalbo
a putol a sinturon, di huhubo
a putol a itak, di iiyak
a putol a buhay, di mamamatay
Ang nasa itaas ay ang unang bahagi ng tula na may dalawang klase ng bersyon. Ilang bersyon na nito ang nalabas, sumikat sa loob ng mahaba-habang panahon, mga ilang dekada na. Sa pagaala.ala ng historyador na si Prop. Danilo Aragon ng Unibersidad ng Pilipinas, noong 1960s pa ay naririnig na niya ito at lumaganap pa raw noong dekada 70s; maaring dati pa ay naririnig na ito. Masasabing dalawang klase lamang silang lahat--isang puno ng paggalang at isang may kabastusan sa huli.
Anupaman, nakakapagtaka ang tema ng tulang ito ukol sa Ama ng Himagsikan, ang Supremo ng Katipunan na si Gat Andres. Putol-putol. Bakit pinaguusapan ang pagtadtad ng katawan ng tao, ang pagtadtad kay Supremo??? Ang mga Katipunero ba noong panahon ng liderato ni Bonifacio ay pinagpuputol-putol ang katawan ng kalaban? Ang pagputol-putol ba ang itinurong istilong militar ng Supremo sa mga Katipunero??? Oo nga at ang ilan/karamihan sa mga naghimagsik na Katipunero ay walang mga baril kaya bolo, itak ang gamit at sa ganitong uri ng malapitang labanan ay hindi maiiwasan kung minsan na may natatapyas siguro ng bahagi ng katawan--ang mga tinatawag na extremities lalo na. Subalit hindi naman iyon ang layunin mismo--hindi na lang naiiwasan kung minsan. Nagkaroon man ng grupong Tadtad na kalahating manghihimagsik at kalahating kulto o ano man, ito naman ay nangyari sa bahaging Visayas at hindi talaga noong Himagsikan kundi noong pakikipagdigma natin laban sa imperyalistang Amerikano. Ang malinaw, walang patakarang pagtatadtad na ginawa ang mga Katipunero sa panahon ni Bonifacio.
Bakit nga may Putol-Putol?
Kung ganoon ay bakit putol-putol ang tema ng tula na nakapaskil sa museo ng pinagdausan ng paglilitis nila Supremo sa ilalim ng 'kangaroo court' na Hukom Militar? Bumalik tayo sa putol-putol... kung walang ganitong polisiya o istilo ang KKK, eh bakit tadtaran ng katawan ng nga tao ang usapan sa tulang ito, na sumikat-sikat pa nga raw. Sa totoo, kahit ako ay natatandaan ko na noong maliit ako naging sikat o kasabihan ang tulang may bahaging "Andres Bonifacio, atapang a tao" (o dili kaya ay "Andres Bonifacio, atapang na tao"?).
Kung hindi gawain ang pagtadtad ng katawan ng kaaway noong Himagsikan sa panahon ng Supremo, ang pinahihiwatig kaya ng tulang iyan ay si Bonifacio ang pinagputol-putol??? Ito nga mismo ang kontrobersyal na thesis ng ilang historyador sa tunay at kasuklam-suklam na ginawa ng kampo ni Aguinaldo, o ng mga berdugo ng Heneral ng Magdalo, sa Ama ng Himagsikan.
Sa usapin ukol sa pagpatay kay Supremo, ang natural na sisiyasatin ay ang mga nakakita--ang mga pumatay mismo, ang mga berdugo, at mga testigo o nakakita. Sa kaso nila Gat Andres at Procopio Bonifacio, walang ibang nakakita--at least officially--kundi ang mga berdugo lamang. Dito ang susi ay sina Major Lazaro Makapagal at apat daw na kawal na kasama nitong nagpatupad ng utos na pagpatay ng hukom ni Aguinaldo. Si Makapagal ay siya ring inatasan bilang Kalihim ng naglitis na Hukom Militar nila Aguinaldo. Sa kwento ni Alvarez, ayon daw kay Makapagal ay tumanggap siya ng utos na magdala ng kasamang kawal at dalhin ang magkapatid na Bonifacio, at huminto sa paanan ng bundok (Buntis) upang basahin ang nakaselyadong sulat na naglalaman ng susunod pa nilang mga gagawin.
Berdugong 'Maawain,' Nangmaltrato at Sinungaling!
Hindi isa, hindi dalawa, kundi tatlo ang bersyon ng kwento ni Lazaro Makapagal ukol sa pagberdugo niya sa magkapatid na Bonifacio--at dahil sa ang mahahalagang bahagi ay nagkokontrahan ang mga ito at hindi tugma sa pagkatao ng Supremo ay mapagdududahan ng maigi hindi lang ang mga kwento kundi ang nagkuwento mismo.
Bihira siguro, kung meron man, sa isang moral na tao na makakaya ang trabaho ng berdugo na pagkitil ng buhay ng tao--maliban na lamang kung ito ay pusong bato, likas na matigas ang loob, ika nga. Subali't batay sa kanya mismong sariling paglalarawan ng pagtupad daw niya sa kautusan ni Aguinaldo at ang naghusgang military 'kangaroo' court kung saan isang opisyal din ang isa pang dugong Aguinaldo, siya raw, si Makapagal, ay maawain. Siya raw ay naawa ng lubos sa magkapatid na Bonifacio nang sila ay papatayin na.
Sa unang bersyon ni Makapagal, ayon sa pagkakakwento kay Hen. Alvarez (na serialized, unang nalathala noong 1927), nanangis daw si Procopio samantalang tumulo daw ang luha ng Supremo. Ganito daw:
...tumanggap [si Makapagal] ng utos na magsama ng mga kawal; pag-ingatang mabuti at dalhin ang Magkakapatid sa bundok ng Buntis... Sumapit sila sa paanan ng bundok... mahigpit na pinaguutos na barilin ang magkapatid... nanangis na payakap ang Procopio sa Andres at anya: "Kuya, paano tayo?" Ang Andres ay di nakakibo. Tumungo na lamang at humik na umaagos ang mapapait na luha sa dalawang mata, samantalang siya ay tumalikod sa di mabantang kababagan; bagay na nang mapaharap ay tapus na ang putok ng kanyang mga kawal; bulagta at patay ang kaawa-awang Magkapatid na Bonifacio, ...iginalang [ni Lazaro] at pinagyama sa paraang magagawa ang mga bangkay.
Maj. Lazaro Makapagal, Berdugo |
Mahirap paniwalaang si Makapagal, ang berdugo o pinuno ng mga berdugo, ay naging maawain sa magkakapatid na Bonifacio dahil bilang bahagi ng Hukom Militar i ay minaltrato nila ang Supremo at kapatid nito, maliban pa nga na hitik ito sa pagsisinungaling sa kanyang mga bersyon. Kung talagang kinaawaan niya ang mga Bonifacio, sana ay gumawa siya ng paraaan, kinausap niya ang Hukom na ipagamot ang mga sugat ni Gat Andres, pakainin sila ng maayos at bigyang karapatang tumanggap ng bisita. Walang ganitong nakatala kahit sa records ng Hukom nila.
Bakit hindi nila naisip na ipagamot si Gat Andres samantalang may mga malubha itong sugat? Ang tunay na maawain, hindi pababayaang hindi malunasan ang malulubhang sugat ng kahit sinong nasa ilalim ng poder nito. kahit na nga pa 'preso' ito. Liban na lamang kung alam nilang masasayang lang ang paglunas dahil alam na nila noong una pa na papatayin na din lang naman ito dahil nga moro-moro lang ang palabas na paglilitis. In which case, then, Makapagal was certainly no kind-hearted executioner but a power-grabbing, kangaroo-court-martial conspirator.
Taong 1928 lumabas sa Philippine Free Press ang ikalawang bersyon ni Lazaro kung saan sinabi nito na isa lang ang sugat ni Bonifacio: "Procopio and Andres were not taken to Tala hill bound but free. Andres had only one wound, in one of his arms." Isa lang ang sugat? Itong puntong ito ay tahasang kumokontra sa opisyal na court martial records kung saan nakalagay na may malubhang sugat si Bonifacio sa bandang lalamunan: "However they killed one brother of the "Supremo" and left the latter in the tribunal (town-hall) at Yndang in a serious condition as a result of wounds received in the larynx." Kung ang bersyon ng kampo nila na pinalalabas na nanlaban sina Bonifacio at hitik sa pasimpleng pagiinsulto sa Ama ng Himagsikan (na laging may kasamang quote-unquote marks ang pagsulat sa "Supremo") ay nagsasaad na tinamaan ng masama sa larynx si Gat Andres, ibig sabihin ay huling-huling na nagsinungaling ang hepe ng berdugo.
It's extremely difficult to believe any of Lazaro Makapagal's three accounts of the killing of the Supremo and brother Procopio because of the myriad of lies as shown by the glaring conflicts in in all three of his shifting stories. It is even more difficult to believe his claim that he was an executioner who presented a soft heart to Gat Andres and Procopio for the simple reason that he was part of the Aguinaldo camp that maltreated the Bonifacios during their seizure, imprisonment, and trial. Additionally, details on his stories do not jibe even with the records of their very own military court.
Kasinungalinangang Paninira sa Supremo
Marami pang hindi tugma sa iba't-ibang kwento ni Makapagal ukol sa kanyang pagpaslang ss Supremo kaya talagang mahirap seryosohin ito subalit kahit ibai.ba ang bersyon ay hawig ang tulis ng mga ito pagdating sa paninira sa pagkabayani ni Bonifacio. Ang unang bersyon ng kuwentong berdugo ito ay naglalarawan na duwag o hanggang iyak na lang si Bonifacio subali't ang ikalawa at susunod pang ikatlong bersyon nito ilang dekada matapos ang kanyang pag.berdugo ay lubusang sumisira sa matapang na pangalan ni, o pagkakakilanlan bilang manghihimagsik na pinuno kay, Supremo.
Sa pangalawang bersyon ni Makapagal, hindi lang ala-talunang umiyak si Bonifacio kundi tinangka pa raw nitong umeskapo! Sa bersyon nitong si Makapagal kung saan pinakikita na naman niya na nadurog raw ang puso sa kanyang habag kina Gat Andres at Procopio, ito rin ang isa sa dalawang bersyon na lalong nagpapakita na duwag daw sa pagharap sa kamatayan ang Supremo. Ayon kay Makapagal ay una nilang pinatay si Procopio sa pamamagitan ng pagbaril sa likod. Nang isusunod na daw ang Supremo ay:
Andres Bonifacio tried to escape, but he could not go far because of the thick shrubbery around. One of the soldiers reached him, firing at him from behind and shooting him in the back. After digging one more grave with our bayonets and bolos, we buried Andres in it.
Sobrang taliwas ang bahagi ng kwentong ukol sa reaksyon ng Supremo nang papatayin na siya kung ihahambing sa orihinal na kwento ni Makapagal. Malinaw na may pagsisinungaling sa isa sa bersyon nito, kung hindi man sa lahat ng tatlong bersyon niya... Unang-una, paano makakatakbo ang Supremo samantalang sobrang hina na nito dahil nasaksak nga sa lalamunan at nabaril at hindi nga ginamot. Hindi nga iilan sa nag.a.analisang mga historyador at eksperto ang natatawa sa pagiging imposible ng bahaging nakatakbo pa raw si Gat Andres. Ang pagdala sa Supremo at kapatid nito sa bundok Buntis (o Tala) noong Mayo 10, 1897 ay nakita ng ilang mga testigo ayon sa ilang ulat kaya mahirap bilhin ang kwento ni Makapagal na parang pinalakad nila ang Supremo. Isipin na lamang na kung ang sugatang si Gat Andres ay dinala papunta sa Naik para sa isang pre-trial hearing sakay ng isang duyan ay lalong ganoon din ang nangyari nang papatayin na siya makaraan ang ilang linggo dahil hindi naman siya pinagamot... at ginutom pa nga daw ayon kay Hen. Alvarez. Lohiko na lamang ang paandarin at makikita ang kabuktutan ng uncorroborated na mga salaysay ni Makapagal.
At hindi sa pangalawa nagtatapos ang bersyon ng kwento ng berdugo dahil may isa pa. Itong bersyon na ito ay pandagdag detalye daw sa 1928 na bersyon subali't ibang iba na naman ang bahagi ukol sa pagtanggap ng Supremo sa napipintong pagpatay sa kanya. Masama pa, sobrang gustong palabasin ni Makapagal na sukdulan sa karuwagan si Bonifacio at nagmakaawa pa raw sa kanya! Dito daw sa ikatatlong bersyon niya na binigay niya matapos ang isang taon ay hindi lang takbo kundi pagluhod pa raw ang ginawa ng Supremo upang magmakaawang buhayin siya! Dito sa bersyon ito ng berdugo, kahit isa ay wala nang kumagat.
Imposible Duwag si Supremo
Sa mga loopholes at pagpapalit-palit ng kwento, malinaw na nagsisinungaling si Makapagal at layon lamang nitong sirain ang matayog na pangalan ni Bonifacio... liban na lamang siguro kung nag.uulyanin na si Makapagal noon o kaya naman ay pinaluwag ng kanyang 'demons' ang mga turnilyo ng kanyang isip. Subali't dahil walang ulat na nag.uulyanin na o di kaya ay nagde.delusyon si Makapagal nang panahon iniba nito ang kanyang mga sumunod na pahayag, mas lohikal na isiping nagsinungaling ito sa isa o lahat ng pahayag niya tungkol sa kontrobersyal na papel niya sa pagkitil ng buhay ng ni Gat Andres Bonifacio (partikular sa reaksyon ng magkapatid na Bonifacio sa pagpatay sa kanila).
Bakit kanyo? Unang una, consistent siya sa pagpapakita na naawa siya sa magkapatid subali't palala pa nang palala ang pagsasalarawan niya ng reaksyon ni Gat Andres sa napipintong pagpapatupad na 'execution' na hatol ng korte ni Aguinaldo. Kita ang intensyon sa paiba-ibang kwento: siyang berdugo ang maawain at si Supremo ay duwag sa harap ng kamatayan. Sa pagaa.analisa ni Prop. Aragon, hindi kapani-paniwala ang pagiging mahabagin daw ni Makapagal dahil noong nagkita sila ni Gat Gregoria de Jesus matapos na nilang patayin ang Supremo, ang sinabi nito sa huli ay kaya daw dala niya ang damit ng Supremo ay upang malabhan ito. Malala pa, nang hirap na hirap na ginalugod ng Lakambini ng Katipunan ang kabundukan upang makita ang labi ng asawa nito, sana ay nahabag si Makapagal at itinuro na nito ang pinaglibingan nila kay Supremo.
Pangalawa, taliwas sa matapang, sobrang tapang, na imahe ng Supremo ang mga salaysay ni Makapagal lalo na ang huling dalawa. Paano namang nangyari na ang pangunahing nagumpisa at nagplano ng marahas na pamamaraan upang humiwalay ang bayan sa nanakop na Kastila ay naging duwag? Legendary nga ang tapang ni Bonifacio na humarap sa maraming labanan at nauna nga mismong sumalang sa pakikipagdigma sa pagsiklab ng Himagsikan. Halos ibuwis din nito ang kanyang buhay mailigtas lang ang kaibigan niyang si Gat Emilio Jacinto. May kuwento si Alvarez ukol sa kahandaang mamatay ng Supremo para sa pakikibaka sa Inang Bayan. Isang beses na naglalakbay sila sa kabundukan ng Maragondong sakay ang kani.kanilang mga kabayo ay kakatwang nahulog si Bonifacio sa kabayo dahil sa pag.iwas sa mga nakaharang na mga sangay na kahoy--kahit na siya ang may pinakamababang kabayo. Napagisip daw silang lahat kung paano nangyari ang gayun samantalang dali.dali daw tumayo si Gat Andres at sinambit ang sumusunod:
Ito'y pamahiin ng Matatanda sa pagkatalo. Marahil kung tayo'y kulanging.palad na talunin ng mga Kaaway, at hanggan sa dakong ito'y usigin, dito na ako mamamatay at mababaon.
Si Bonifacio na sumusugod dala ang gulok at baril at tinawag ng pahayagang El Renacimiento na "El Marat Filipino" ay isang duwag? Malayo sa katotohanan. Ang sabihin ni Makapagal, kung hindi lang nasugatan nila si Supremo ay baka kinailangang igapos nila ito bago patayin dahil baka may madali itong isa sa kanila bago nila ito mapabagsak.
It is very hard to believe someone who gives an account whose description of the object of his 'execution' is completely antithetical to the known character of the latter. This is especially so when he has been found to be lying in other details, when all of his accounts virtually conflict with each other and that the changes he made in his subsequent accounts occured twice within only some two years (Makapagal could have narrated his original story to Alvarez years before its publication in 1927). Note that the shifts his stories zero in on the point of Bonifacio's reaction to his impending 'execution' amidst the former's selective consistency on the point of his supposed pity for the Supremo and Procopio. Kung maraming kasinungalingan at nag.iiba ang mahalagang bahagi sa iba't ibang bersyon ng pangunahing berdugo, ang ibig sabihin lang nito, maliban sa halatang layuning paninira sa bayaning pangalan ni Bonifacio, may pilit itinatago itong si Makapagal.
Ang Pagtadtad sa Supremo?
Sa bahagi nang pagharap ni Supremo sa kamatayan, angat ang kasinungalingan ni Makapagal kaya ito ring marahil bandang bahagi ng pagpatay ang naglalaman ng kung anong masidhing itinatago. Balik tayo sa tula (o naging lumang awit pa nga raw yata, ayon sa isang may beterano at retiradong historyador) na may temang putol-putol. Ang pilit kayang pinagtatakpan ni Makapagal sa mga kasinungalingan at hindi.tugma.sa.realided na mga mahahalagang puntos sa kanyang tatlong bersyon ay ang maaring katotohanan ng kagimbal-gimbal at mala-hayup na pagkatay na ginawa nilang pagpatay sa Supremo?
Masangkay Team Forensics
Newspaper clipping on exhumation of Bonifacio bones |
Pinaniwalaan din ng nakakabatang kapatid ng Supremo na si Esperidiona na tunay nga ang mga buto batay sa mga ngipin na hasa. Naisulat daw noong Nobyembre 28, 1926 na isyu ng dyaryong "Pagkakaisa" na kinukumpirma ni Esperidiona na naghahasa ng ngipin ang kanyang kuya Andres gamit ang tapayan at ito ay tugma sa "maliit at makinis" na natagpuang babang ngipin sa harap ng mga incisors. Tugma rin ang isang basag na ngipin na nakita sa bangkay dahil ayon kay Esperidiona ay may nabasag na ngipin ang Supremo habang nililinis ang baril nito.
Makapagal Refutes the Bones of Contention, Ambeth Seconds the Motion
Hen. Masangkay at ang pinaniniwalaang bungo ni Supremo Bonifacio |
Sa madaling salita, nakakapagtakang mas pinaniniwalaan ni Ocampo ang paiba.iba, walang suporta, at sinungaling o puno.ng.loopholes na mga kuwentong berdugong at may vested interest pa na si Makapagal. Samantala, ang forensic team nila Masangkay at EDSA ay may mga ebidensya o suportang family history at mga eksperto pa... subali't minenos lang ni Ocampo pabor kay Makapagal. Dagdag pa, maliban sa mga butong nahukay at pagsusuri dito ay may mga magsasaka ring testigo sa pagkatay daw na pagpatay sa Supremo, ayon sa libro daw ni Adrian Cristobal. Hindi lohikal na tingnan na kapani.paniwala si Makapagal kung kaya hindi na rin siguro nakakagulat na nawala na lamang ang mga butong nahukay, na kasama raw nabomba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa poder ng pang.kasaysayang mga ahensya ng pamahalaan.
Pag.aaral ni Aragon
Sa pananaliksik ni Aragon sa isyu, gumamit siya ng metodolohiyang batay o ayon sa tinatawag na oral history. Local oral history to be exact because his interviewees all came from Maragondon, Cavite. Dalawa sa apat na kinapanayam niya ay nagkuwento na batay sa kanilang mga ninuno/magulang at "kwentong bayan" ay pinahirapan ang Supremo: sina Potenciano Villaran, edad 64; Sonny Villaran, 46; Guillermo Quini-quini, 83; at Lauro Abayon, 35.
Ayon kay Sonny Villaran batay sa kwento ng kanyang ama at sa kwentong bayan sa panahon ng lolo niya na nabuhay noong panahon ni Bonifacio, pinutol muna ang tainga at kamay ng Supremo at pinahirapan daw bago pinatay. Pagkapatay daw ay itinali sa kawayan ang natirang katawan (at sa isang bersyon ay nakasakay pa rin sa duyan) at nilipat sa Bundok Nagpatong. Dinagdag niya na hindi naman daw talaga nagkaroon ng paglilitis ang magkapatid na Bonifacio. Ayon naman kay Abayon, na hango rin sa kwentong bayan at sa mga sinabi noon ng kanyang lolo na ipinanganak ng mga 1910, ay pinahirapan nga ang Supremo at kahawig nang kwento ni Potentiano Villaran, ay inilipat din ang katawan nito na nakatali sa kawayan ang mga paa at kamay (na parang baboy); si Quini-quini, na pinakamatanda, ay may mga hindi na matandaan. Lahat ay nagkuwento na kung hindi sa bundok Buntis ay banda rito pinatay at para sa tatlo ay malinaw na nilipat lamang ang mga labi sa bundok Nagpatong dahil may nakakita ng krimen. Dagdag pa, sa pangkalahatan, lumabas na kaya kumilos sina Aguinaldo laban kay Bonifacio ay dahil may bantang na.perceive ang una, na 'masasapawan' o 'matatalo' ng pangkat ng Supremo ang una.
Napansin ni Aragon na ang iba sa kanyang nakapanayam ay parang takot magsalita. Sa pakiwari niya, maaring may makuha pa siyang impormasyon sa iba pa sa kanila kung wala lang siguro silang mga takot sa dibdib dahil sa sinapit ni Bonifacio. Herein, it is worth noting that Aragon's interviewees harbored some fear of expressing themselves despite the fact that Aragon himself is a Caviteno.
Tulang Bonifacio Putol-Putol bilang Pagtatama ng Kasaysayan?
Nasabi ko na na dalawa ang klase ng mga bersyon ng tulang putol-putol, ayon na rin kay Prof. Aragon. Narito ang medyo bastos na bersyon:
Makikita sa bersyon na ito na putol-putol at katapangan pa rin ang ikinuwento. Ang salitang "uten," nga pala, ay isang pang-kantong salita na ang ibig sabihin ay ang ari o sekswal na bahagi ng lalaki. Kahit na medyo bastos ang bersyon na ito ay ipinalalabas pa rin na, sa normal na pangyayari (hindi kasama ang uten), ay walang duda ang katapangan ni Supremo Bonifacio. Pinagtatadtad na nga ay hindi pa rin daw tumakbo si Gat Andres. Kung iisipin, kung totoo man ang pagputol-putol sa Ama ng Himagsikan, hindi naman maaring makatakbo pa ito dahil nga malubha ang kalagayan niya dahil sa tinamong baril at saksak na hindi naman ginamot. Ang pinapalabas siguro dito at doon sa mas magalang na bersyon ay sa sobrang katapangan ni Gat Andres, kahit na pinagtatadtad siya ng mga tantads na berdugo ay hinarap niya ito ng buo ang loob, hindi umiyak, hindi nagmakaawa, ni hindi siguro tumalikod sa harap ng matatalas at malulupit na hagupit ng mga itak.ANDRES BONIFACIO
A TAPANG A TAOA putol a kamay, di tatakbo
a putol a ulo, di tatakbo
a putol a tenga, di tatakbo
a putol a uten, takbo a tulin.
Subalit maaring may isa pang gustong ipahiwatig ang mga bersyon ng tulang Bonifacio putol-putol--ang pabulaanan ang mga kasinungalingan ni Lazaro Makapagal, hepe ng mga berdugo ng Mayo 10, 1897. Nasa 1960s nagumpisa ang tulang iyan at maaring mas maaga pa. Ang lahat ng bersyon ni Makapagal ukol sa paspaslang nila sa Supremo ay na.imprenta nang patapos na ang 1920s. Dahil mabagal pa ang pagkilos ng commication ng panahon na iyon dahil wala pang internet, low-tech at mabagal pa ang paglilimbag at kulang o mahina pa ang mass media, maaring inabot ng dekada ang pagkalat ng mga sinungaling o twisted na kwentong berdugo ni Makapagal. Nang kumalat na ang mga ito ay saka siguro nag.react sa pamamagitan ng tula ang isa o ilan sa mga nakasaksi o napagkwentuhan nito/nila upang pabulaanan ang kabulastugang kwento ni Lazaro.
Kung hindi man ang mga tunay na nakasaksi mismo, maaring ang isa o ilan sa mga anak nila o kapamilya, kapuso, o (batang) kapatid ang gumawa ng tula bilang tanging paraaan upang iparating sa madla hindi lamang ang kahindik-hindik na paraan ng pagpatay sa Supremo kundi pati na ang kahanga-hangang katapangang ipinamalas ni Bonifacio sa kabila ng malupit na karahasang ipinataw sa kanya. Marahil, kung sino man ang gumawa o mga gumawa ng unang tula na Bonifacio putol-putol ay natakot lumantad dahil umiwas magantihan dahil simpleng tao lamang siya/sila. Nakikita ang kaparehong takot sa kaso ng testigong kinapamayam ni Aragon. Natakot siguro dahil alam na ang kampo ni Aguinaldo ay malakas pa rin o may kapit sa kapangyarihan. Si Hen. Aguinaldo nga mismo ay lalo pang yumaman ng bigyan gantimpala ito ng Kolonyal na Pamahalaang Amerikano ng maraming hektaryang lupain sa Cavite. Maari ring kaya na kaya hindi sila lumantad upang isinawalat ang nakitang pagpatay kay Supremo ay dahil natakot mismo kay Makapagal, na baka sila ay tadtarin din nito kung ganoon nga. Marahil naisip nila na dahil tanging si Makapagal ang nagkukuwento sa kamatayan ni Bonifacio ay baka ipinaligpit na nito ang mga tauhan ka-berdugo niya. Maari rin kaya na isa/ilan sa mga nakapanayam ni Aragon sa Maragondon, o mga ninuno nito, ang nagpauso ng tula?...... Pero ang sabi nga ni Masangkay ay kasama raw sa berdugo team ni Makapagal ang umamin sa kanya tungkol sa pananadtad na ginawa sa Supremo. Kung totoo na kasamang berdugo ang nagsiwalat kay Hen. Masangkay, maari kayang sila ang nagpaumpisa ng tulang Bonifacio putol-putol?????
Batay sa pag.aaral ni Aragon ay medyo tugma sa oral history ang tula kahit na hindi naman talaga pinagputol.putol ang katawan ng Supremo at bagkus ay may ilang bahagi lamang na pinutol daw. Tama rin naman ng bahagya ang tungkol sa bahaging ulo ng tula dahil kahit hindi sinabing pinutol ito ayon sa lokal na impormasyon na nakalap ni Aragon, ay may katamaan ito dahil fractured nga raw ang bungong nahukay ng Masangkay team kung sakaling tama ang conclusions nila. Then again, it seems that the 'somewhat indecent' version seems to be accurate based on a combination of Aragon's oral history and Masangkay forensic reports--tinapyas nga daw ang tenga at kamay ng Supremo at may tama bayoneta o tama nga daw sa ulo.
Tungkol sa 'a putol a uten,' paano naman tayo nakakasiguro na wala nang ibang ginawa sina Makapagal pagkatapos sa bundok Buntis? How sure are we that, assuming the hacking did occur in Mt. Buntis, Aguinaldo's men did not continue with further desecration/hacking of the body of the Supremo? After all, Lazaro and 'executioner' cohorts did not bother to transfer Bonifacio's dead body to Mt. Nagpatong (where a historical marker is located) just to bury him there, right? Maski sabihing nilakbay ang katawan ni Supremo ng malayo upang itago ang kahayupang ginawa rito, hindi pa rin tayo nakakasiguro na hindi pinagpatuloy nila Makapagal ang pagtaga sa katawan nito. Pero siyempre, ang maaring magsilbing ebidensya dito ay ang nahukay na mga buto nina Hen. Masangkay noong 1918 na nawawala o nasira na daw sa pambobomba noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Nasaan nga ba ang sipi ng mga dokumentasyon ng forensic report ng UP Manila sa hinukay na pinaniniwalaang Bonifacio bones?
"Assassination," NOT "Execution"
Ang konteksto ng pagpatay o paraan ng pagpatay sa magkapatid na Bonifacio ay nakapaloob sa kaduda-dudang paraan ng 'execution' na inatas ng Hukom Militar daw ng "Republika ng Pilipinas" ni Aguinaldo. Kung talagang nagkaroon ng tunay na paglilitis at execution nga ang hatol, bakit sinadyang ikinubli, dinala pa sa bundok ang pagpatay kina Supremo? Ang execution, tulad ng nangyari kay Jose Rizal, ay isang bukas na gawain dahil pagpapatupad ito ng bukas na gawaing paglilitis.
Bakit itinago, ikinubli, nilayo ang pagpaslang sa magkapatid na Gat Andres at Procopio? Kung idadahilan na panahon iyon ng labanan dahil tinutukan na nga ng pwersang Kastila ang Cavite, eh hindi ba mas malaking trabaho, mas matagal, at delikado pa na ilakbay ang papataying magkapatid? Tandaan na ang totoo ay mahinang.mahina na si Supremo noon at kinailangang pang buhatin ito sa duyan. Gaano ba kahirap na doon mismo sa kuta nila Aguinaldo ay palabasin lahat ang mga tao, at tumawag siguro ng ilang sibilyan kung wala, at ihilera ang magkapatid at madaliang barilin ng ilang beses. Kung sasabihing natatakot silang magkaroon ng dissension pag nakitang binaril ang Supremo, aba eh akala ko ba ay nanalo sa halalang Tejeros si Aguinaldo? Kung talagang ibinoto siya ng mga Katipunero noong Marso 1897 ay wala siyang dapat ipag.alala dahil malugod na tatanggapin ang hatol ng korteng kanyang binuo dahil may suporta siya.
Ito marahil patagong pagpatay sa Supremo ang dahilan kung bakit ang iba ay lutong makaw ang tingin sa paglilitis na ginawa sa kanila at kung bakit "assassination" at hindi "execution" ang tawag ni Gat Apolinario Mabini sa pagpatay kina Supremo. Kung asasinasyon ang utos, maari kayang pagpatay sa taga rin ang inatas kay Makapagal?
Ang sabi raw ng nagbunyag kay Hen. Masangkay, kaya raw dinaan sa taga ang Supremo ay upang makatipid sa bala. Parang hindi kapani.paniwala na ang pangunahing nagbuo at nagumpisa ng Katipunan ay titipirin sa bala--maliban nalang if it was done out of contempt or hatred and pure seditious evil. Kung talagang 'nagtitipid' lamang, ano na iyon pukpukan ng malakas ng isang beses ang nanghihina nang si Gat Andres at ibaon na sa libing? Bakit pahihirapan sa pamamagitan ng pananaga? Sinadyang iutos sa mga tauhan na tumutupad lamang sa dikta na "tipirin" sa bala bilang huling pagyurak, pag.insulto, pagbaboy sa tinitingala ng marami na si Supremo dahil sa takot nilang manaig, mapagisang muli ang pwersang Katipunan na hinati nila gamit ang dayaan sa halalang Tejeros.
Conclusion
Mahina nang Supremo, pinahirapan, pinatay sa pananaga at pananaksak, hindi sa pagbaril |
Ang naglabas ng kwento mula sa dalawang sundalo daw ni Makapagal ay si Hen. Masangkay at hindi ito nag.co.corroborate sa shifting na kuwento ng hepe ng mga berdugo kundi tahasang kumokontra pa. Kung susuriin ang pagiging lone ranger at kawalan ng ibang dokumentasyon/pagpatotoo ni Makapagal; pagkontra nito sa sarili sa iba.ibang mga bersyon niya; malalaking loopholes sa mga pahayag niya ukol sa kwento ng pagberdugo sa dalawang magiting na magkapatid na Katipunero, ang malamang matanto ay may mga tinatago si Makapagal at marahil ay ang buong kampo ni Aguinaldo.
Sa paglalagom, makikita na patungkol sa mga pangyayari noong Mayo 10, 1897:
- Maraming pagsisinungaling si Lazaro at iba-iba pa--tatlong bersyon--ang mga kwento nito ukol sa pagberdugo nila;
- Iginigiit ng tatlong iba't ibang bersyon ni Makapagal na siya ay maawain subalit hindi ito tugma sa pagkakaroon niya ng papel sa Hukom Militar na nagmaltrato sa mga Bonifacio, kabilang ang hindi paggamot sa malubhang sugat ng Supremo at halos paggutom sa magkapatid;
- Pilit isinasalarawan din sa magkakaibang kwentong berdugo ni Makapagal ang nakakahiyang karuwagan daw ng Supremo sa harap ng kamatayan, isang bagay na halatang paninira lamang dahil sobrang taliwas sa dokumentadong katapangan ni Bonifacio;
- Malamang na ang dahilan sa mga kasinungalingan at paiba-ibang kwentong berdugo ni Makapagal--na ni isa ay walang mag.corroborate--ay dahil may tinatago itong kagimbal.gimbal sa bandang bahaging pagpatay kina Supremo;
- Ang tulang Bonifacio putol-putol, na ang isang kopya ay kakatwang naka.display pa sa Maragondon courthouse, ay nagpapahiwatig ng pagkatay na paraan ng pagpatay sa Supremo at maari ring ito ay paraan ng pagwawasto ng sukdulang paninira ni Makapagal na kesyo sobrang duwag daw si Gat Andres sa harap ng kamatayan;
- Na may mga kwentong hindi pinatay sa pamamaril ang Supremo kundi sa pananaga, at nauna na ngang naglabas nito si Hen. Masangkay matapos magsumbong daw ang dalawang kasamang berdugo at nagsabing 'nagtitipid' daw sa bala kaya ginanoon ang Supremo;
- Noong 1918, ang forensic team nila Masangkay at EDSA ay nahukay ang pinaniwalaan nila at ni Esperidiona Bonifacio na buto ng Supremo batay sa best available forensic science sa bansa noong panahong iyon at inihambing sa family history ng Supremo;
- Na batay sa oral history na nakalalap sa Maragondon, Cavite, nasaksihan at naikuwento sa bayan na pinahirapan bago pinatay at maaring, may pinutol na ilang bahagi ng katawan ng Supremo at inilakbay papuntang bundok Nagpatong na nakatali ang paa't kamay sa kawayan;
- Kung pagsasamahin ang Maragondon oral history report ni Aragon at Masangkay report, tumutugma ito sa medyo bastos na Bonifacio putol.putol na tula;
- Dagdag pa, kung totoo ang sumbong kay Hen. Masangkay na kaya raw tinaga ay upang 'makatipid' daw sa bila, ginawa iyon dahil inutos bilang huling pagyurak, pag.insulto, at pagbaboy kay Supremo dahil natakot silang manaig at mapagisang muli nito ang pwersang Katipunan na hinati nila gamit ang madayang halalang Tejeros.
Mukhang talagang may nangyaring katago-tago, kahindik-hindik sa mga bundok ng Maragondon noong Mayo 10, 1897. Hindi simpleng pagpatay, hindi 'execution,' kundi malamang ay asasinasyong de putol sa Supremo. Naghihintay pa rin ng ng pagsisiwalat, ng katarungan para sa Manghihimagsik... para sa bayan.
__________
Mga Batis:
ARAGON, DANILO. Isang Panimulang Pagsisiyasat sa Ibang Bersyon ng Pagpatay (Pagputol-Putol kay Andres Bonifacio). 2001.
Ang Madilim na Bahagi ng Kasaysayan. http://
Alvarez, Santiago. The katipunan and the revolution: memoirs of a general : with the original Tagalog text. Paula Carolina S. Malay. Trans. Ateneo de Manila University Press, 1992. http://books.google.com/
Guerrero, Milagros, Emmanuel Encarnacion, and Ramon Villegas. Andres Bonifacio and the 1896 Revolution. In Sulyap Kultura. National Commission for Culture and the Arts, 1996. NCCA Site. 16 June 2003. http://www.ncca.gov.ph/about-culture-and-arts/articles-on-c-n-a/article.php?i=5&subcat=13
Artemio Ricarte Declaration date 24 March 1897. Filipiniana.net. http://
Kalaw, Teodoro. The Courtmartial of Andres Bonifacio. http://
Ocampo, Ambeth. Bonifacio’s teeth, Rizal’s breath. Inquirer.net. March 9, 2012. http://
Ocampo, Ambeth. The execution of Bonifacio. Inquirer.net. May 15, 2009. http://
Ocampo, Ambeth. Urban Legends. Inquirer.net. March 13, 2012. http://
Retana, Wenceslao. "El Marat Filipino," El Renacimiento, 26 de Marzo 1908
____
Tungkol sa Kuwadrong "Ang Wakas ni Andres Bonifacio":
Isang nakakapanghilakbot na obra maestra ng historikal na pintor na si Carlos Valino Jr. na nagwagi ng unang gantimpala sa 1963 Andres Bonifacio Centennial Art Contest. "Ang Wakas ni Andres Bonifacio" ay masusulyapan ngayon sa Bulwagang Katipunan ng Manila City Hall."
-- Prop. Michael Charlestone Chua
Pasasalamat ng Malaki kay Prop. @MICHAEL CHARLESTONE CHUA ng De La Salle University, Manila para sa pagbibigay sipi ng kuwadro at sa pagbibigay ng sipi ng papel ni Prop. Daniel Aragon! :)
....