NOONG isang linggo ay idinaos ang ika-114 Guning-taon ng Promulgasyon ng sinasabing Unang Saligang-Batas at Unang Republika ng Pilipinas (Malolos) sa Simbahan ng Barasoain sa Bulakan. Bonggang pagdiriwang noong Enero 23 dahil nandoon pa yata* si "Pangulong" A_Noy Cojuangco-Aquino at nauna pa ngang inihayag sa unang pagkakataon na pista ospisyal ang araw na ito bilang "Araw ng Republikang Filipino" (sa probinsya ng Bulakan o lamang). May dalawang isyu maipupukol sa deklarasyong ito. Una ay ang pilit minamaliit ngunit naglalagablag na katanungan na si Emilio Aguinaldo nga ba at ang pamahalaan nito ang "Unang" Pangulo/Republika? Pangalawa ay ang medyo nakakapagtakang timing ng deklarasyon ng pagka pista-opisyal ng Enero 23--tinapat pa naman talaga sa BONI 150--ang mahalagang taong paggunita sa kapanganakan ng pinakamatayog na maghihimagsik na bayani ng bayan, si Supremo Andres Bonifacio--na pinapatay ni Aguinaldo.
Taong 1899, Enero 21 ay inihayag ang saligang-batas na binuo sa loob ng apat na buwan ng Kongreso ng Malolos. Makalipas ang dalawang (2) araw, Enero 23, ay opisyal na inihayag naman ang Repulika ng Malolos (Pilipinas) at si Aguinaldo bilang Pangulo. Ang mga pangyayaring ito ay nakapaloob, o nakagitna, sa pagitan ng Himagsikan laban sa mga epal na Kastila (Agosto 1896 - Julyo/Setiembre 1898[?[) at sa giyera sa lalong mas epal na mga mananakop, ang Labanang Pilipino-Amerikano (Pebrero 4, 1899 - 1914).
KKK, Unang Pamahalaan; Bonifacio, Unang Pangulo
Sinasabi ng nangingibabaw/dilaw na kasaysayan na si Aguinaldo daw ang unang Pangulo, at ang kanyang pamahalaan ang unang republika, ng bayan. Itong matagal nang itinuturo sa atin ay taliwas sa mga totoong kasaysayan, isang pagmamaniobra sa pagsusulat ng mga tunay na pangyayari. Isang higanteng panloloko. Si Bonifacio ang tunay na Unang Pangulo ng Himagsikang Pamahalaan ng bayan. Bakit kanyo?
Narito ang mga kadahilanan:
1. Ang titulo niyang Supremo ng Katipunan (KKK) na binuo upang makalaya tayo sa pagtatanikala sa atin ng mga Kastila ay kasingkahulugan ng Pangulo o Presidente (Pangulo nga ang tawag sa naunang pinuno ng KKK at pinalitan lamang ito ni Bonifacio)
2. Ang Katipunan ay iniangat, ginawang isang Maghihimagsik na Pamahalaan (Revolutionary Government), at si Bonifacio ang pinuno, noong Agosto 1896 nang napagpasyahang ilunsad na ang Himagsikan.
a. Isinulat/inulat ito, kasama ang naging halalan ng Katipunan, ng dalawang banyaga, isang historyador at isang mamamahayag na kontemporaryo sa ating mga bayani ng Himagsikan. Sa pahayagang 'El Ilustracion Espanoya y Amerikano' (1897) nga ay tinawag si Bonifacio bilang Pangulo ng Pilipinas samantalang Heneral lamang ang bansag kay Aguinaldo. Nakatala din ang tawag na Pangulo kay Bonifacio sa mga dokumentong naitabi ni Epifanio de los Santos. Nakita at napatunayan rin ito sa pagsasaliksik ng mga kasalukuyang historyador na sina Milagros Guerrero, Zeus Salazar, atbp.
b. Kumpleto sa mga karaniwan o standard na elemento ang Pamahalaang Katipunan.
i.) May pangunahing watawat na itinaas ni Bonifacio noong ilunsad ang Himagsikan (maraming mga watawat ng ginagamit ng mga lupon noon dahil ang kagawian noon ay magtaas o magladlad ng bandera bago maglabanan). ii.) May pambansang awit din, ang "Marangal na Dalit ng Katagalugan" na binuo ni Julio Nakpil.
iii.) May mga heneral din, at kabilang dito si Hen. Guillermo R. Masangkay ng Maynila, na siyang makakakita sa mga labi ni Bonifacio na itinago ng mga pumatay ditong alipores ni Aguinaldo, at sa Kabite, sina Hen. Mariano Alvarez at si Aguinaldo. May mga heneral at siyempre mga sundalo, ang mga karaniwang Katipunero, dahil binuo nila Bonifacio ang pambansang militar ng Agosto 1986 nga kahit hindi masyadong ayos dahil biglaan nga ang pagputok ng rebolusyon.
iv.) Pati Saligang-Batas, sa pormang mga batas, Kartilya at Dekalogo, ay mayroon ang Katipunan. Tinanggihan nga ni Bonifacio ang ipinrisinta ni ni Hen. Edilberto Evangelista noong bandang Disyembre 1896 (bilang representate ng kampo ni Aguinaldo/Magdalo) na 'konstitusyon' dahil plagiarized ito. Ayon kay Bonifacio na maalam sa batas, ay masyadong hango ang proposed constitution sa isang Kastilang batas at dahil nga rin may mga batas na ang KKK ay hindi niya ito pinayagan.
"Republica Filipino" o BONI 150?
Tungkol naman sa parang nanunuyang timing ng pagdeklara opisyal sa Enero 23 (1899) bilang "Araw ng Republika Filipino," eh bakit nga ba itinapat pa sa mahalagang BONI 150 samantalang itong si Aguinaldo Pangulo daw ng pamahalaang iyo ay napakalaki ng kasalanan sa Supremo at sa bayang Pilipinas/Tagalog/Taga-Ilog/Maharlika?
Inagawan ng posisyon pinuno ng Himagsikan, pinadaklot 'dead or alive,' nilitis pa-moro-moro, at pinapatay lang naman ni Aguinaldo ang mahal na Supremo. At si Hen. Santiago Alvarez, isang Kabitenyo, kapwa kaibigan ni Miong at Andres, ang pangunahing sumulat tungkol sa mga ginawang kabalbalan ni Aguinaldo: ang pandaraya noong halalan ng Kumbensyon Tejeros noong Marso 1987; ang pagutos kina Intsik Paua na daklutin o kidnapin si Bonifacio buhay o patay; ang pagbaril/pagsaksak at pagmaltrato sa kulungan kina Supremo at kapatid nitong si Procopio; at ang karumaldumal na 'kangaroo court' na paglilitis at pagpataw ng kamatayan sa magkapatid na bayani.
Si Hen. Santiago Alvarez, uulitin ko, ay isang tumataginting na Kabitenyo at kapwa kaibigan ni Bonifacio at Aguinaldo. Siya ang bayaning kontemporaryo na pangunahing sumulat sa kasaysayan ng Katipunan, kabilang ang mga nakakasukang kasalanang ginawa ni "Pangulo" Aguinaldo laban sa Katipunan, laban sa Supremo.
Ang mga Dilaw nga naman. Nagkataoon nga lamang ba? Hale nga, ang darating na Mayo 10, 2013, ang ika-116 taon ng pagpaslang sa Ama ng Himagsikang si Supremo Bonifacio sa mga kamay ng bataan ni Aguinaldo, ideklara n'yo nga ngayong taon bilang "Araw ng Pagluluksa ng Katipunan" o? :)
May Halaga rin ang 'Republikang Filipino'
Hindi ko naman sinasabing walang halaga ang 1899 'Republikang Filipino' o maging si "Pangulong" Aguinaldo. Nangyari naman talaga ito--hindi nga lamang talaga "Una" sa kasaysayan ng bayan--at may silbi ito sa pag-assert ng ating kalayaan at kasarinlan. Kahit papaano, si Aguinaldo ay hindi tulad ng mga kumaripas agad na mga collaborators tulad nina Cayetano Arellano (na magiging co-opted ng mga hnypak na Amerikano bilang Hukom ng Korte Suprema). Oo nga at nakita na ang interes talaga nito ay makamit ang pwesto sa itaas subalit lumaban pa rin ito kahit panandalian lamang dahil agad na niyakap ang kalabang imperyalista nang mahuli ito noong Marso 1901.
Ipinagpatuloy kahit papaano ni Aguinaldo ang labang sinimula ni Bonifacio upang makamtan ang ating kalayaan kahit may duda kung nag-collaborate itong patago sa mga Kastila at nagpasyang lamang ipagpatuloy ang Himagsikan nang mabola ng mga epal na Kano. Oo, banyagang konsepto ng 'kasarinlan' ang itunulak ni Miong--nasa Kastila ang orihinal na "Lupang Hinirang" at ni-retain nito ang 'Filipinas' na tawag sa bansa ng mananakop, atbp. Subalit kahit papaano, dahil kinalaban din niya ang tantads na imperyalista, natatawag nating GIYERA ng kapwa bansa ang Labanang Pilipino-Amerikano (1899-1914).
Ang Mas Mahalaga, BONI 150!
Ang sinasabi ko ay itama ang pagsusulat at pagpapakalat ng kasaysayan at mas bigyan halaga ang tunay na 'Una'--Pangulong Andres Bonifacio, Pamahalaang Katipunan/Bansang Tagalog/Taga-Ilog/Maharlika (o di kaya para walang away sa terminolohiya ay BANSANG KATIPUNAN/KKK?). At nakakainsultong binuksan ang taong BONI 150 ng indirektong pagkilala kay Emilio Aguinaldo bilang Unang Pangulo ng bansa (dahil Unang Republika nga daw ang pamahalaan nito)... maliban na lamang kung babalansehin ito ng pagpapakalap ng ginawang kasalanan dito noong Mayo 1897. At kahit kinakilala natin na may ginawa rin si Aguinaldo, dapat na parusahan ito sa kasaysayan dahil sa mga mabibigat na kasalanan nito kay Bonifacio, sa KKK, at sa bayan.
Mabuhay ang Unang Pangulo ng Pilipinas/Tagalog/Taga-Ilog/Maharlika/KKK! Iwasto ang kasaysayan. Bigyang katarungan ang mga tunay na bayani. Itanghal ho natin ang wagas na makabayang pinuno, ang Supremo. BONI 150!
*Nagpadala lamang ng kinatawan si Aquino III
______
Mga Batis:
Álvarez, Santiago (1992), Malay, Paula Carolina S., ed., The Katipunan and the Revolution: Memoirs of a General, Ateneo de Manila University Press, ISBN 971-550-077-3. http://books.google.com/books/about/The_katipunan_and_the_revolution.html?id=F3q-krDckHwC
Chua, Michael Charlestone. XIAOTIME, 29 November 2012: UNDRESS BONIFACIO, Ang Supremo Bilang Pinunong Militar. http://xiaochua.wordpress.com/2012/11/29/xiaotime-29-november-2012-undress-bonifacio-ang-supremo-bilang-pinunong-militar/
Enrile, Juan Ponce. Speech Of Senate President Juan Ponce Enrile:
The First Philippine Republic. Jan. 23, 2009. http://www.senate.gov.ph/speeches/sp_fpr.asp
Guillermo R. Masangkay (1867-1963). http://www.nhcp.gov.ph/downloads/mp0104.pdf
Guerrero, Milagros; Encarnacion, Emmanuel; Villegas, Ramon (1996), "Andres Bonifacio and the 1896 Revolution", Sulyap Kultura (National Commission for Culture and the Arts) 1 (2): 3?12.
La Revolucion filipina (1896-1898). http://www.museo-oriental.es/ver_didactica.asp?clave=138&loc=0
PNoy declares January 23 as ?Araw ng Republikang Filipino, 1899. http://iamjammed.com/news/january-23-declared-as-araw-ng-republikang-filipino-1899/
http://www.president.gov.ph/news/pres-aquino-declares-jan-23-as-araw-ng-republikang-filipino-1899/
Basahin din po sana:
Pagwawasto sa 8 Mito Patungkol kay Supremo at sa Katipunan (Bonifacio Series VIII). http://forthephilippines.blogspot.com/2012/11/pagwawasto-sa-8-mito-patungkol-kay.html
Andres Bonifacio, Unang Pangulo ng 'Pilipinas': Setting the Historiographic Record Straight (Bonifacio Series VI). http://forthephilippines.blogspot.com/2011/12/andres-bonifacio-unang-pangulo-ng.html
The HACKING of the SUPREMO, Unang Bahagi (Bonifacio Series VII).http://forthephilippines.blogspot.com/2012/05/hacking-of-supremo-unang-bahagi.html